Vous êtes sur la page 1sur 3

Privilege Speech ni Anakpawis Party-list Rep.

Rafael Mariano January 21, 2013


G. Speaker, mga kapwa ko Kinatawan, gugunitain bukas ng uring magbubukid ang ikadalawamput anim (26) na taon ng malagim na trahedyang kumitil sa buhay ng labintatlong (13) magsasaka sa tulay ng Mendiola. Nakaukit sa kasaysayan ang trahedyang ito bilang Mendiola Massacre ng Enero 22, 1987 sa panahon ng administrasyon ng dating Pangulong Corazon Cojuangco-Aquino. Sa okasyong ito, ipinapaabot ng Anakpawis Party-list at ng Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) ang pinakamataas na pagsaludo kina Danilo Arjona, Leopoldo Alonzo, Adelfa Aribe, Dionisio Bautista, Roberto Caylao, Vicente Campomanes, Ronilo Dumanico, Dante Evangelio, Angelito Gutierrez, Rodrigo Grampan, Bernabe Laquindanum, Sonny Boy Perez, at Roberto Yumul - sila ang mga martir ng Mendiola massacre, mga martir ng dakilang pakikibaka para sa tunay na reporma sa lupa. Subalit, G. Speaker, mga kapwa ko Kinatawan, dalawamput-anim na taon na ang nakakaraan, nananatiling mailap pa rin ang hustisya sa mga biktima ng Masaker sa Mendiola. Wala pa ring tunay na reporma sa lupa. Wala pa ring katarungan para sa mga biktima. Nasa ika-15 Kongreso na po sana ang oportunidad para tugunan ang napakatagal nang panawagan at kahilingan ng masang magsasaka para sa tunay na reporma sa lupa. Batid nating lahat na nakahapag ditto, partikular sa House Committee on Agrarian Reform ang House Bill 374 o ang Genuine Agrarian Reform Bill (GARB). Tatlong beses pong nagkaroon ng public hearing ang House Committee on Agrarian Reform sa panukalang batas na ito. Una, noong Pebrero 16, 2011 dito sa loob ng Kongreso. Ikalawa ay ang Visayas-wide public hearing na naganap noong November 17, 2011 sa Calbayog City, sa Samar. At, ang ikatlot pinakahuli ay ang Mindanao-wide public hearing sa Kidapawan City, North Cotabato. G. Speaker, mga kapwa ko Kinatawan, katulad sa mga iba pang public hearing may mga nagtutunggaling pusisyon ngunit mayroong nangingibabaw. Sa tatlong pagdinig na ito, ay may mga mayayamang aral na higit pang napatunayan at napagtibay ang masang magsasaka. Una, napagtibay na ang GARB at ang libreng pamamahagi ng lupa sa masang magsasaka ang solusyon sa daantaon nang suliranin ng kawalan ng lupa, kahirapan at kagutuman ng masang magsasaka sa kanayunan. Pinatunayan pang higit na ang libreng pamamahagi ng lupa ang magwawakas sa monopolyo sa lupa ng uring panginoong maylupa at mga dayuhang agrokorporasyon. Ang tunay reporma sa lupa din ay napakahalagang salik na maghahawan ng daan tungo sa makatarungan at pangmatagalang kapayapaan sa kanayunan at sa buong bansa. Madam Speaker, mga kapwa ko Kinatawan, napakalakas ng suportang natanggap ng GARB mula sa masang magsasaka at mamamayan. Sa mga naganap na public hearings kaugnay sa House

Bill 374 or GARB, tumampok ang kagyat at makatwirang pangangailangan para sa isang tunay na programa sa reporma sa lupa. Naipakita mismo ng mga masang magsasaka na kahit ang umiiral na batas na CARP at ang pinalawig na CARPER ay hindi nakatugon, bagkus, nakapagpatindi pa ng kalagayan ng kawalan at kakalangan ng lupa. Ikalawa, ang karanasan ng mga magsasaka sa ilalim ng huwad na Comprehensive Agrarian Reform Program (CARP) at CARPER ang nagsasabing tama na ang dalawamput-limang (25) taon ng panlilinlang ng programang ito. Dapat na itong palitan ng bago, tunay at puspusang programa ng reporma sa lupa. Hindi nilutas ng CARPER, sa halip ay pinasahol pa nito ang pagsasamantalang pyudal at malapyudal sa kanayunan. Lumaganap ang walang habas na pangangamkam ng lupa, kumbersyon ng mga lupaing agrikultural tungo sa non-agricultural uses, tampok dito ang nagaganap na pangangamkam ng lupa sa mahigit walong libong (8,000) ektaryang Hacienda Looc sa Nasugbu, Batangas na ngayon ay tinatayuan ng Hamilo Coast ng SM Lands; libu-libong ektaryang lupain sa Isabela na layong tamnan ng tubo hindi para gawing asukal kundi para sa proyektong bio-ethanol na isinubasta mismo ni Pangulong Benigno Cojuangco-Aquino III. Hanggang sa ngayon, limamput limang (55) taon na, nasa kamay pa rin ng pamilyang Cojuangco ang Hacienda Luisita. Hindi pa rin naipapamahagi ang Hacienda Luisita. Ang masaklap pa, sa kabila ng desisyon ng Korte Suprema noong Abril 24, 2012, nanganganib pang mawala sa listahan ng mga tunay at kwalipikadong benepisyaryong magsasaka ang mga manggagawang bukid na nakibaka laban sa monopolyo sa lupa ng mga Cojuangco-Aquino. Sa tabing ng diumanoy tinatawag na verification process ng Department of Agrarian Reform (DAR), nagma-maniobra at ine-etsapwera ang mga lehitimong benepisyaryong magsasaka na kabilang sa orihinal na benepisyaryo noong 1989 o noong panahong ipinaloob sa kontramagsasaka at maka-Cojuangco iskema ng Stock Distribution Option (SDO) ang Hacienda Luisita. Ayon sa Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), ginagamit ng mga Cojuangco ang Section 5 ng CARPER o ang probisyong nagbibigay ng kapangyarihan sa mga panginoong maylupa na tukuyin kung sino ang magiging benepisyaryo ng kanilang lupa. Madam Speaker, mga kapwa ko Kinatawan, nananatiling di nasosolusyunan ang maraming kaso ng agrarian disputes sa buong bansa. Walang maaasahan ang masang magsasaka sa huwad na CARPER. Kasangkapan ito ng uring panginoong maylupa tulad ng mga Cojuangco-Aquino at ng mga dayuhang agro-korporasyon gaya ng Dole at Del Monte sa Mindanao para palakasin pang lalo ang kanilang monopolyong kontrol sa lupa. Ikatlo, higit pang napatunayan na ang tunay na larangan ng pakikibaka ng uring magsasaka ay naroon sa malawak na kanayunan at kagubatan. Sa kanayunan nakapundar ang kanilang makapangyarihang lakas. Doon sa malalawak na lupain sa kanayunan kung saan naroon ang makatwirang pakikibaka ng mga magsasaka, kung saan iginigiit ng buong uring magsasaka ang kanilang karapatan sa lupa at bibiguin nila ang uring panginoong maylupa.

Madam Speaker, mga kapwa ko Kinatawan, tanging ang sama-samang pagkilos at pakikibakang magsasaka ang tunay na landas ng paglaya sa lupang malaon na nilang sinasaka at wakasan ang pagsasamantalang pyudal ng uring panginoong maylupa at panlilinlang ng huwad na CARPER sa magsasakang Pilipino. G. Speaker, nasa Kongresong ito na sana ang pagkakataon para magkaroon ng katuparan ang ipinaglaban ng mga magsasakang martir ng Masaker sa Mendiola. Pero bigo ang Kongresong ito na tugunan ang kalagayan ng mga magbubukid. Nagsilbi itong katiwala ng panginoong maylupa sa Malakanyang na nagtitiyak na ang mga tenante nitoy nananatiling api at walang sariling lupang sinasaka. Subalit hindi susuko ang masang magsasaka. Higit pa naming isusulong ang pakikibaka para sa tunay na reporma sa lupa at pambansang industriyalisasyon sa loob at sa labas ng Kongreso at maisulong ang kanilang makauring interes. Ang pagsusulong ng GARB at tunay na reporma sa lupa ang pangunahing nilalaman ng pakikibaka ng masang magbubukid at mamamayan. Sa pamamagitan ng pagsusulong ng GARB at ng tunay na reporma sa lupa, higit pang lumalawak, lumalakas, at humigpit ang pagkakaisa ng masang magbubukid at mamamayan para sa pagpapatupad para sa tunay at puspusang tunay na reporma sa lupa sa bansa. Hindi mawawalang-saysay ang ipinaglaban ng mga martir ng Mendiola Massacre. Dadaluyong at dadaluyong pa ang masang magsasaka at mamamayan sa buong bansa at ipagpapatuloy ang makauring laban nila para tunay na reporma sa lupa hanggang sa tagumpay. Maraming salamat at magandang hapon. ###

(as delivered, 5:31 pm)

Vous aimerez peut-être aussi