Académique Documents
Professionnel Documents
Culture Documents
Si Sultan Kumpit ay isa sa mga naging pinuno ng isang malaking pulo. Siya ay matalino nguni't ang mga Muslim ay takot sa kanya dahil sa siya raw ay masungit. Ang sultan ay may kaisa-isang anak na dalaga. Ang pangalan niya ay Minda. Si Minda ay ubod ng ganda. Dahil sa kagandahan ng prinsesa ay marami ang nanliligaw dito. Kabilang na ang mga sultan, raha, datu at prinsipe ng iba't ibang pulo. Bawat manliligaw ni Prinsesa Minda ay may kani-kaniyang katangian kung kaya't nagpasiyang magbigay ng tatlong pagsubok si Sultan Kumpit. Ang mananalo sa tatlong pagsubok na ito ang siyang mapalad na makaka-isang dibdib ng kanyang anak. Ang unang pagsubok ay kung sino ang makapagsasabi ng kasaysayan ng kanyang angkan hanggang sa ikasampung salin nito. Ang ibig sabihin nito ay kung sino at ano ang naging buhay ng ama, nuno, ama ng nuno, nuno ng nuno at mga kanunununuan hanggang sa ikasampung salin. Ang ikalawang pagsubok naman ay kinakailangang malagpasan ang kayamana ng hari upang maging daan patungo sa ikatlong pagsubok. Nguni't ang higit na mayaman ang siyang magmamay-ari ng kayamanang natalo. Marami ang nakipagsapalaran at natalo sa unang pagsubok. Isa na rin ang kilalang si Prinsipe Kinang. Siya ay nakapasa sa unang pagsubok nguni't natalo sa ikalawang pagsubok sapagkat ang kanyang tatlong tiklis na ginto ay nahigitan ng apat natiklis na ginto ng hari. Lalong yumaman si Sultan Kumpit. Alam ng lahat na marami pang ginto si Sultan Kumpit at ngayon nga ay nadagdagan pa ng tatlong tiklis na tinalo kay Prinsipe Kinang. Isang matalinong prinsipe ang nais na sumubok. Ngunit bago niya ito gawin ay nag-isip siyang ma buti kung papaano niya matatalo ang kayamanan ng Sultan. Nanghiram siya ng ginto sa kanyang mga kaibigang maharlika hanggang sa makatipon siya ng labintatlong tiklis ng ginto. Nagbihis at nag-ayos ng buong kakisigan si Prinsipe Lanao. Una niyang nakausap si Prinsesa Minda. Sa unang pagkikita pa lamang ay sumang-ayon agad ang prinsesa sa binatang prinsipe. Lihim na natuwa ang puso ni Prinsipe Lanao sapagkat nasiguro niyang may pagtingin din sa kanya Prinsesa. "O, ano ang masasabi mo sa iyong angkan?" ang unang pagsubok ng sultan kay Lanao. Mabilis na isinalaysay ni Lanao ang kanyang lahi ngunit muntik na itong mabuko sa ikasampung salin. Nakaisip siya ng pangalan at nag-imbanto ng kagitingan nito. Laking pasasalamat niya nang siya ay makapasa sa unang pagsubok. Sa ikalawang pagsubok ay, "Ilang tiklis na ginto ang dala mo, Mayroon akong pito, iyon ba ay iyong mahihigitan? ang pagmamalaking tanong ng sultan. "Mayroon akong labintatlong tiklis ng ginto rito ngayon nguni't kung kulang pa ito ay handa akong, ilabas ang mga nakatago pa sa aming kaharian," ang tugon ni Prinsipe Lanao. "Hindi na bale, iyo na ang pitong tiklis ko. Ganito naman ang ikatlong pagsubok. Ikaw ay tutulay sa isang lubid sa may malalim na bangin. Pag ito'y nagawa mo ay ikakasal kayo ng aking mahal na prinsesa sa pagbibilog ng buwan," ang sabi ng sultan. "Ang ikatlong pagsubok ay kinabukasan na natin itutuloy." Umalis si Lanao napunong-puno ng pag-asa. Nagsanay siyang tumulay sa baging na sampayan. Ngunit lingid sa kanya ay may masama palang balak ang sultan sa pagtulay niya sa lubid. Natunugan ito ni Minda at laki ng kanyang pag-ibig sa binata ay gumawa siya ng paraan. Inutusan niya ang kanyang katulong na putulin ang matibay at manipis na sinulid na nakakabit sa tulay na tatawiran ni Lanao. Ang sinulid palang ito ay hahatakin upang malaglag sa bangin si Lanao. Mabilis na natupad ang ipinag-utos ni Minda sa kanyang katulong. Kinabukasan ay maluwalhating nakatawid si Lanao sa lubid at ang kanilang kasal ni Prinsesa Minda ay naganap. Namuno ang mag-asawa sa kaharian ni Sultan Kumpit. Dahil sa kabaitan ay napamahal sa mga tao ang dalawa kaya't ang malaking pulong iyon ay pinangalanang Minda-Lanao na di nagtagal ay naging "Mindanao."
Alamat ng Lindol
Noong unang panahon, may isang higanteng naninirahan sa isang malaking kweba sa mga lalawigang Bulubundukin. Siya si Indol. Titingalain mo siya sa tangkad niya. Katatakutan mo siya sa napakalaking pangangatawan niya. Lubos na mapang-api si Indol. Kung ikaw ay kaiinisan ay bubuhatin at ibabalibag ka niya. Masuwerte ka kung sa putikan ka babagsak. Kung sa batong nakausli ay magkakabali-bali ang iyong kaawa-awang katawan. Nakikisama na lahg ang mga tao kay Indol. Sa takot nilang mapaaga ang kamatayan ay pumapayag na silang paalipin sa buhong na dambuhala. Araw-araw ay dinadalhan si Indol ng mga usang napapana, baboy-damong nasisibat, prutas na nasusungkit at mga gulay na naaani. Kailangang laging maraming handog sa mesang kainan ang mga tao upang hindi mag-alboroto sa galit si Indol. "Ako ang pinakamakapangyarihan dito!" sigaw niya sa mga nanginginig pang nagsipaghandog. "Lahat ng maibigan ko ay kailangang sundin ninyo! Wala akong kinatatakutan. Babaliin ko ang leeg ng sinumang hindi magdala ng handog sa aking hapagkainan. Lahat ng masasarap na pagkain ay dapat ninyong ibigay sa akin. Ako ang bathala ninyo dito sa bulubundukin. Kapag sumuway kayo ay makikita ninyo ang hinahanap ninyo! Gigibain ko ang mga tirahan ninyo at ibabalibag ko kayo mula sa pinakamatarik na bundok dito!" Nangangalog ang mga baba ng mga tao nang humalakhak nang malakas ang higanteng abusado. Isang gabi ay bumuhos ang malakas na ulan. Matatalim na kidlat ang gumuhit sa kalawakan na sinundan ng nakatutulig na dagundong ng kulog. Noon lamang nakakita ng ganoong katatalim na kidlat ang mga mamamayan. Kahit nakasara ang mga bintana ay nagliliwanag pa rin ang mga kidlat sa mga butas nilang dingding. Sa bawat kislap ng kidlat ay nagtatalukbong sila ng kumot. Kung takot sila sa higante ay higit silang takot sa kislap ng kidlat na sa tingin nila ay tatama sa kanila sa isang iglap. Nagsipagdasal sila sa kanilang mga anito upang papalayuin ang matatalim na kidlat. Nang hutnupa ang malakas na ulan ay nakarating kay Indol ang labis na pagkatakot ng mga mamamayan. "Ako lang ang dapat nilang katakutan!" galit na sigaw ng naiinggit na higante. Sa sobrang pagkainis ay hinintay na muli ni Indol ang malakas na pag-ulan. Matagal siyang naghintay. Lumabas siya sa kweba nang bumuhos ang malakas na ulan. Nang makita niya sa kalawakan ang pagguhit ng matatalim na kidlat ay hinabol niya ang mga ito. Nababali ang mga punungkahoy na kaniyang natitisod. Nagkakagiba-giba ang mga bahay ria kaniyang nasasagi. Nangamamatay ang mga baboy-damong kanyang natatapakan. Takbo rito. Takbo roon. Pero kahit anong bilis ang gawin ay wala ring saysay. Hindi niya mahuli kahit isa man lang sa mga kidlat na kumikislap sa kaitaasan. Sa sobrang galit ay lalong binilisan ni Indol ang paghabol. Sa kasamaang palad ay napatid ang paa niya sa isang nakatumbang puno ng mangga at nahulog siya sa isang malalim na hukay. Pinilit ni Indol na makaahon sa hukay pero lagi siyang dumudulas sa mga batong tinutuntungan. Sa tuwing magpipilit siyang sumikad at lumundag ay yumayanig ang lupa na ikinahihilo ng mga tao sa kanilang bahay. "Si Indol yan na nahulog sa hukay. Nagdadadamba siguro kaya para tayong idinuduyan." Sinasabing hanggang sa kasalukuyan ay naroroon pa rin sa malalim na hukay si Indol. Kapag nababasa ito ng ulan ay nagpipilit itong makaahon. Kapag nadudulas sa mabatong hukay ay nagdadadamba ito. Kapag naramdaman na ng mga tagabundok ang idinuduyang kapaligiran ay sasabihin na nilang: "Si Indol... si Indol." na nang lumaon ay naging Lindol! Lindol! Sa kasalukuyan, kapag umuuga ang lupang kinatatayuan natin o kinatitirikan ng bahay natin ay sumisigaw din tayo: "Lindol! Lindol! o Lumilindol! Lumilindol!" Sa mga lalawigang bulubundukin nagsimula ang alamat ng Lindol.
Alamat ng Palay
Noong unang panahon ang mga tao ay walang palay. Ang kanilang kinakain ay gulay, bungang-kahoy, isda, at mga hayop. Sila ay nangangaso sa gubat at nangunguha ng bungangkahoy sa parang. Sila ay maligaya roon. Nawala na ang mga hayop sa gubat at iilan na lamang ang mga bungang-kahoy. Ang mga tao ay nalungkot. Ang mga lalaki ay nangaso sa bundok. Sila'y pagod na pagod at gutom na gutom. Sila'y nagpapahinga ng dumating ang magagandang dalaga. Ang mga ito ay engkantada pala. Sila ay makapangyarihan subalit magagalang. Ang mga mngangaso ay kinumbida ng mga engkantada. Sila'y nagpunta sa yungib. Dito ay napakarami pala ang engkantada. Sila'y may reyna. Sila'y nagsaya noon, nag-awitan, at nagsayaw. Nagkaroon ng kainan. Nakita ng mga mangangaso ang malalaking tagayan. Ang mga ito ay punong-puno ng pagkain na puting-puti. Noon lamang sila nakakita ng puting pagkain. Matapos ang kainan at ang mga lalaki ay naging bata. Sila ay lumakas. Sila'y pinainom ng puting alak at sila'y at naging matalino. Gusto ng umuwi ng mangangaso. Ang reyna ay nagsalita, " Kayo'y bibigyan ko ng butil. Ito'y itanim ninyo sa tag-ulan. Alam kong kayo ay mabubuti kaya iyan ay sisibol. Iyan ay mamumunga. Aanihin ninyo ang bunga." "Ang mga butil na inani ay bayuhin at linisin. Ang butil ay magiging bigas. Ito ay lutuin. Iyan ang inyong pagkain. Iyan ang kaloob ko sa mga tao. Hala, umuwi na kayo." Sumunod sa bilin ang mga tao. Ang bigas na niluto ang kauna-unahang kanin sa daigdig.
Ipinasa ni:
Grade IV
Ipinasa kay:
Guro