Vous êtes sur la page 1sur 4

Asukal sa Gatas na Pambata

Anu-ano ang ibinebenta at ipinapabili sa atin ng patalastas ng gatas na Nido 3+ ng Nestle na


pinagbibidahan nina Kris Aquino at ng anak niyang si Baby James Yap?
Sa kagyat na antas, kalusugan. Nagbibigay ito ng babala tungkol sa antas ng asukal sa mga
kinakain/iniinom ng mga bata. Paliwanag ni Kris, karamihan sa mga bata ay mahilig sa
matatamis (may sweet tooth). Aniya, dapat ay maging malay (conscious) ang mga kapwananay niya sa antas ng asukal dahil ang mga bata, kapag nasanay sa sobrang tamis, ang hirap
baguhin. Sa mga gatas, sabi niya, dapat suriin ang dami ng carbohydrates sa label dahil kapag
mas kaunti ito sa isang gatas, mas kaunti ang asukal.
Pero tulad sa iba pang patalastas, hindi lang kalusugan ang ipinapabili ng patalastas na ito.
Kinakargahan kasi ng kapitalismo ng ibat ibang pakahulugan sa larangan ng uri at kasarian,
at sa iba pa ang kalusugan. Hindi man laging malay o lantad sa isang patalastas, mahigpit
na itinatali o isinasanib ng sistemang panlipunang ito ang kalusugan sa ibat ibang pakahulugan

at disposisyon na nagmumula at nagpapatatag din sa mga umiiral na relasyon ng dominasyon


sa larangan ng uri at kasarian, at iba pa.
Kaya nagbebenta rin ang patalastas ng responsableng pagmamagulang na, sa mga
karaniwang tao, ay mas mabigat para sa mga ina. Sa hatak ng kahirapan na magtrabaho o
maghanap-buhay sila, pambalanse si Kris Aquino ng Nido: kailangan pa ring maging metikoloso
sila sa kalusugan ng mga anak at pangkalahatang pangangalaga sa mga ito. Kung si Kris
ngang nagtatrabaho, nakakapagbayad ng yaya at, maidaragdag, hiwalay sa asawa, kinakaya.
Dapat ganoon din, katulad niya, kahit ang mga karaniwang ina.

Prangka ang patalastas: lumabas ang yaya ni Baby James na siyang mas malamang na
naglalaan ng mas maraming panahon sa bata. Pero masyadong mabait pa rin ang
pagkaprangka nito: saglit lang lumabas ang yaya. Makikita rito ang pagbebenta ng patalastas
ng isang klase ng pagkababae iyung kinakayang magbayad ng mas mahirap na kapwa-babae
para mag-alaga sa sariling anak. Siya pa rin ang bida, dahil pinapalabas na siya pa rin ang
nagdedesisyon sa kung ano ang makakabuti sa anak.
Nagbebenta rin ito ng buhay ng nakakataas na uri: magandang bahay, oras para sa pagsasama
at paglalaro na hindi binabagabag ng pag-aalala ng susunod na kakainin. Hindi lang kailangang
maging maasikasong ina; sa katauhan ni Kris Aquino, tungkulin itong glamorosa. Sa isang
banda, ang asukal ay karugtong ng mga katangian ng maralita lalo na sa pagyakap ng mga
naghaharing uri sa malusog na pamumuhay: sirang ngipin, diabetes, at, para sa ilang diyetang
pangkalusugan, lahat na lang ng sakit.
(Nabanggit na rin lang ang ngipin, matagal ko nang gustong pansinin: marami sa matataas na
opisyal ng rehimeng Arroyo, na pursigido at brutal na nagsulong ng modernisasyon at pagunlad na dikta ng mga mayayaman-makapangyarihan-naghahari sa mundo, ay halos sabay-

sabay na nagsuot ng invisible braces: mula kina Dinky Soliman at Emilia Boncodin hanggang
kina Mike Defensor at Ricardo Saludo hanggang kay Gloria mismo. Bagsak-presyo sa dentista
lang ba? O may moda?)
At pwedeng sagisag ang asukal ng mga pinapalabas na bisyo ng maralita mas ng maralita sa
lungsod kaysa sa kanayunan. Para silang mga bata: mahilig sa matatamis mula sa Banana-Q
hanggang mga kakanin, mula sa mga softdrinkhanggang sa Jollibee. Hindi maganda sa
kalusugan ang asukal, pero lagi nilang kinokonsumo. Tinatalo ng irasyunal ang rasyunal, ng
sarap ng katawan ang pagbabawal ng utak: lulong sa alak o ibang bisyo, anak nang anak,
nagpapahatak sa mga kulto at bulok na pulitiko, at iba pa.

(Sa kanyang librong A Primer for Daily Life [1991], binaybay ng feminista at Marxistang si Susan
Willis ang lugar sa kasaysayan ng malawakang produksyon ng asukal. Aniya, mahalaga ang
produksyon ng asukal sa mga sinakop ng mga bansang Europeo para sa akumulasyong
nagluwal sa kapitalismo. Kaalinsabay, naging mahalaga ang pagpasok ng asukal sa kinakain ng
mga manggagawang Europeo para paigtingin ang kanilang enerhiya para sa mas matinding
paggawa sa ilalim ng bagong-silang na kapitalismo.)
Sa patalastas na ito, ang haciendera ng tubuhan at may-ari ng azucarera ay nagbibigay-babala
sa mga kapwa-ina na iadya sa asukal, sa ngayon para habang buhay, ang kanilang mga anak.
Ang namumuhay sa pagbebenta ng ibang adiksyon tulad ng tsismis, game
shows, telenovela at iba pang produkto sa mga ina ay nang-aakit sa kanilang ilayo ang
kanilang mga anak sa adiksyon sa asukal. Ang yumaman sa sistemang nagdudulot ng
kahirapan sa nakakarami ay nang-aakit ng pagyaman.
May tawag si Terry Eagleton, Marxistang intelektwal, sa operasyong ideolohikal na ito: Para sa
mga naghaharing uri, Its better to appear a hypocrite than to pull the rug under ones feet.

Para sa kanila, mas mainam nang magmukhang ipokrito kaysa atakehin o isantabi ang mga
paniniwala at ideyal na gusto nilang paniwalaan at kamtin ng mga pinaghaharian habang
ginagawang imposible sa huli ang aktwal na pagkamit sa mga ito. Hindi pwedeng maging lubos
na prangka o tanggalin ang tamis sa pagsasamantala.
18 Nobyembre 2010
Galing ang mga imahen sa itaas sa Cryptomnesis.
May tula si Mark Angeles tungkol sa isa pang patalastas ng Nestle: Ikaw, para kanino ka
bumabangon? Sanaysay ang pantuligsa ni Coco Martin Heidegger. Unibersal ang pantasya ng
mga manunulat tungkol sa panitikan, pero may pagpanig sila sa tunggalian ng mga uri: si Mario
Vargas Llosa, sa mga naghahari. Epic fail daw ang islogang Pilipinas Kay Ganda ng
rehimeng Aquino para sa turismo, ayon kay Angela Stuart-Santiago. May banat din si Marck
Ronald Rimorin at si Ellen Tordesillas.
Malinaw ang paglalantad ni Carol Pagaduan-Araullo sa programang conditional cash
transfer ng rehimeng Aquino. May isa, dalawang sulatin ang feministang pilosopong si Nina
Power tungkol sa protesta ng mga estudyante sa UK laban sa kaltas sa badyet sa edukasyon.
Maganda naman ang hagod ni Carlos Maningat sa usapin sa paggawa ngayon sa Philippine
Airlines.
https://kapirasongkritika.wordpress.com/2010/11/18/asukal-sa-gatas-na-pambata/

Kapirasong Kritika
Mga Kritika ni Teo S. Marasigan

Vous aimerez peut-être aussi