Vous êtes sur la page 1sur 2

ALAMAT NG MATSING

Sa mayamang kaharian, noong unang panahon, ay may isang prinsesang ubod ng ganda.
Siya ay si Prinsesa Amapela kung saan ang lahat ay humahanga sa taglay niyang kagandahan.
Ngunit sa likod ng kanyang kagandahan ay napakasamang ugali. Ang prinsesa ay ubod
ng sungit at suplada. Napakataas ng pagtingin niya sa kanyang sarili.
“Ayoko sa mga taong pangit! Palayasin sila sa palasyo!” ang palding sigaw nito sa
tuwing makakakita ng pangit sa palasyo.
Dahil sa prinsesa, ang lahat lamang ng magaganda ang nakakapasok at nakakapagtrabaho
sa loob ng palasyo. At ang mga pangit ay itinaboy sa labas upang maging mga alipin at
manggagawa.
Sa paglipas ng panahon, dumating ang takdang araw sa pagpili ni Prinsesa Amapela ng
mapapangasawa. At naghanda nga ang kaharian. Inimbitahan ang maraming maharlikang tao
buhat sa iba’t ibang kaharian. Nagsidatingan din ang maraming makikisig na prinsipe upang ang
isa sa kanila ay ang siyang mapangasawa ng prinsesa.
Di nagtagal, nagsimula nang mamili si Prinsesa Amapela ng mapapangasawa. Ang lahat
ng prinsipe ay tumayo sa kanyang harapan at nagbigay-galang. Isa sa mga prinsipe ay
nagustuhan ng prinsesa, at ito’y si Prinsipe Algori.
Si Prinsipe Algori ay isang napakasipag na prinsipe na animo’y Adonis na namumukod
tangi sa lahat ng naroroon. Ngunit bago pa man napili ni Prinsesa Amapela ang makisig na
prinsipe, ay may nakita siyang napakapangit na prinsipe na nakatayo sa likuran nito.
Hindi napigilan ng prinsesa ang sarili.
“Sino ka? Hindi ka nahiya sa iyong sarili! Napakapangit mo! Lumayas ka rito at
magbalik ka na sa kwebang pinanggalingan mo!” ang bulyaw nito. Nabigla ang lahat sa inasal ng
prinsesa.
“Siya ang aking napili! Si Prinsipe Algori! Siya ang aking mapapangasawa,” ang agad na
idinugtong nito sabay turo kay Prinsipe Algori.
Masayang lumapit si Prinsipe Algori sa prinsesa at humalik sa kamay nito. Isa-isa nang
nag-alisan ang mga nabigong prinsipe ngunit nanatiling nakatayo sa harapan ang pangit na
prinsipe.
“Ano pa ang hinihintay mo? Lumayas ka na! Ayaw na kitang makita!” ang muling
bulyaw ng prinsesa na tila nandidiri.
Malumanay na nagsalita ang prinsipeng pangit. “Hindi ako manghihinayang sa isang
tulad mo. Kung ano ang ganda ng iyong mukha ay siya namang pangit ng iyong ugali,” ang wika
nito.
Biglang nagbago ang anyo ng prinsipeng pangit. Ito ay naging isang napakakisig na
lalaki, higit pa kay Prinsipe Algori!
Namangha ang lahat sapagkat ang pangit na prinsipe pala ay ang “Diyos ng Kakisigan.”
Bumababa ang isang kumpol ng ulap at sumakay rito ang “Diyos ng Kakisigan” at tuluyan nang
lumisan.
Nanghinayang ang lahat lalo na ang hari at reyna. Ngunit higit sa lahat, nanghinayang
nang husto si Prinsesa Amapela bagay na hindi niya pinahalata.
Agad na ikinasal ng hari sina Prinsesa Amapela at Prinsipe Algori. Ngunit matapos ang
kasal, ganun na lamang ang gulat ng lahat.
“Ngayong mag-asawa na tayo, kailangan mong sumama sa aking kaharian, “ang wika ni
Prinsipe Algori.
“Anong ibig mong sabihin?” ang nagtatakang tanong ng prinsesa.
Biglang nabago ang anyo ni Prinsipe Algori. Ito ay naging kakaibang nilalang na puno ng
balahibo ang buong katawan. Nagsigawan at nasindak ang lahat, lalo pa’t bigla na lang nabago
ang anyo ni Prinsesa Amapela. Nabalot din ng balahibo ang buong katawan nito at nagkaroon pa
ng buntot.
Hindi makapaniwala ang lahat subalit huli na, Dinala na si Prinsesa Amapela sa
kagubatan ni Prinsipe Algori, na siya palang “Diyos ng mga Hayop sa Gubat.” At si Prinsesa
Amapela ang kauna-unahang matsing sa kagubatan. Ito ang naging parusa sa kanyang pagiging
suplada at mapagmataas.
Kaya dapat nating tandaan na hindi natin dapat husgahan ang tao sa kanyang panlabas na
anyo, dahil ang higit na mahalaga ay ang tunay na pagkatao at pag-uugali.

Argentera, Melody B.
Bobadilla, Marween S.
IV - Goldstein

Vous aimerez peut-être aussi