Vous êtes sur la page 1sur 11

Ang Halimaw na Kulay Berde ang Mata

ni Jessa Mae M. Polancos

Palagi siyang napagkakamalan tunay na babae at lahat ng

lalaki sa paligid ay napapalingon sa tuwing dadaan siya. Hindi man

malinaw pero iyan na siguro ang pinaka eksaktong katangian na

maibibigay para sa pisikal na anyo ni Val. Mahaba ang buhok,

magandang kutis, mapupulang labi at mga seksing damit suot-suot sa

lahat ng oras ang nagpapakompleto sa isang tulad ni Val.

Si Val ay nagmamay-ari ng isang internet café . Kakaiba man

ang kanyang negosyo sa lahat ng mga bakla ngunit alam niyang

Masaya siya rito. Sabi niya, masyado na raw kasing kakompetensya

kapag beauty parlor pa ang i-nenegosyo niya. Baka raw malugi siya

at hindi gaanong kikita pag papasok pa siya sa ganoong larangan.

Hindi naman daw kasi mahirap magtayo ng internet café. Dapat lang

ay may sapat kang puhunan para mas lalo mo itong mapaunlad at

maalagaan ng husto.

Si Val ay pang-apat sa limang magkakapatid. Malapit siya sa

kanyang mga magulang lalo na sa kanyang ina dahil noong sampung


taong gulang pa lamang siya ay sinasama na siya nito sa Carbon

market para magtinda ng mga prutas at gulay. “Tuwing Sabado kasi,

walang pasok kaya sinasama nila ako. Ako naman walang magawa

kaya tumutulong na rin ako”, wika ni Val.

Bata pa lang si Val ay alam na alam na niya na siya ay isang bakla.

Gustung-gusto kasi niyang nanonood ng mga patimpalak na bakla

ang mga kasali. Marami kasing mga ganoong kasiyahan sa barangay

nila noon kaya sayang-saya siya tuwing napapanood ito. Noong nasa

ika-apat na taon na siya sa elementarya ay napansin din niyang mga

babae ang kadalasang nakakalaro niya. Gusto niyang kasama sila

palagi at ginagawa niya ang mga bagay na dapat sana ay sa mga

babae lamang.

“Noon kasi, uso ang paramihan ng sticker ni Hello Kitty sa mga

babae. Eh ako naman, gusto ko rin kaya ang baon ko nauubos sa

kakabili lang. Minsan nga nahuli ako ni mama na nangungupit sa

pitaka niya para lang makabili ng sticker eh”, sabi ni Val na may mga

ngiti sa labi. Noong hayskul na siya ay nagsimula na siyang sumali sa

mga paligsahan ng pagandahan ng mga bakla sa lugar nila. Ang

nakakatuwa dito ay suportado siya ng kanyang mga magulang sa

kahit anong gusto niyang gawin. Para daw kasi sa mga magulang
niya, mas importante ang kaligayahan niya kaysa ang sasabihin lang

ng iba.

Nananalo naman si Val sa mga patimpalak na sinasalihan niya

pero kalaunan ay nawalan na rin siya ng gana nang mamatay ang

kanyang ama dahil sa kanser. Labis na nalungko si Val at halos

naglaho ang mga pangarap niya. Mahal na mahal kasi niya ang ama

niya lalo na at suportado siya nito kahit bakla siya. Kadalasan kasi,

kagaya ng mga nakikita niya sa telebisyon ay binubogbog o

sinasaktan ng mga ama kapag nalamang bakla ang mga anak nila.

Pero para sa ama niya, hindi dapat minamaltrato ang mga baklang

anak dahil tulad ng ibang tao ay karapatdapat din silang mahalin at

respetohin.

Noon nasa kolehiyo na si Val ay nag-desisyon ang kanyang ina

na sa probinsiya nalang manirahan. Doon kasi makakalanghap siya

ng sariwang hangin at wala ng iindahing mga problema. Nangako

naman si Val sa ina na pagbubutihan niya ang kanyang pag-aaral

hanggang siya ay makatapos. “Gusto ko kasing mapatunayan sa

lahat na hindi dahil bakla ako ay wala na akong kakayahang

mamuhay at tuparin ang mga pangarap ko”, kalmadong wika ni Val.


Noong si Val ay nasa pangalawang taon na sa kolehiyo ay

nakilala niya si Trisha. Kagaya niya, bakla din si Trisha kaya agad

silang nagkapalagayan ng loob. Naging malapit sila sa isa’t isa at

natutunan na nilang maghanap ng trabaho para pang-dagdag gastos

na rin sa sariling pangangailangan. Ang uso kasi noon ay ang mga

amerikanong ka-chat sa internet. Sinubukan ni Val na pasukin ito at

sa kagandahang palad ay may nakilala siya. Napakabait daw ng

Amerikanong ito kaya wala siyang nagging problema. Subalit hindi

alam ng Amerikano na bakla siya, alam niyang wala naman itong

maidudulot na ikakapahamak niya.

Hanggang dumating nalang ang panahon na pinapadalhan na si

Val ng Amerikano ng diyes mil buwan-buwan. Ginagamit niya ang

pera para sa matrikula niya para hindi na niya maabala ang ina sa

probinsiya. Ang iba naman ay ipinanggagasto niya para sa sariling

pampaganda. Kamakailan nga lang ay nagpa-opera sa Val sa kanyang

dibdib at pinalagyan ng silicon para magmukha na talaga siyang

tunay na babae sa lahat ng taong makakasalamuha at makikilala

niya. Masaya si Val sa ginagawa niya sa sarili dahil alam niyang wala

naman siyang inaargabiyadong tao. Lahat ng ginagawa niya ay para

lamang sa ikasasaya at tingin niya ay walang masama dito.


Dumating ang panahon na hindi na kayang magpadala ng pera

ang Amerikano dahil nagkasakit ito at kinakailangang tumigil sa

pagtratrabaho. Ang Amerikano din ang unang pumutol ng

komunikasyon nila dahil hindi na ito nagpaparamdam sa kanya.

Nagpatuloy pa rin si Val sa pag-aaral dahil gusto niyang makatapos.

“Hindi ko ihihinto ang pag-aaral ko dahil lang wala na akong

Amerikano noh”.

Nagtapos si Val ng kursong Business Administration. Hindi siya

agad naghanap ng trabaho at naisipan nalang magtayo ng negosyo

at iyon na nga ang internet café niya ngayon. Taong 2009, nakilala ni

Val si Viktor. Si Viktor ay isang 23 anyos na lalaki na nakatira sa Brgy.

Basil. Siya ay nagtratrabaho noon sa isang pabrika ngunit nahinto

dahil sa personal na mga bagay. Nagkakilala sila sa isang party na

dinaluhan ni Val at Trisha noong kaarawan ng pareho nilang kaibigan.

“Ang gwapo kasi niya noon eh. Kinilig talaga ako. Hindi ko na talaga

pinalampas ang pagkakataon kaya ako talaga ang nanghingi ng

number niya. Binigay din naman niya agad ang number kaya bongga!

Mas kinilig pa ako lalo”, bigkas ni Val.

Ilang linggo din silang nagtext ni Viktor. Nagkikita sila sa isang

lugar o di kaya ay pinupuntahan siya ni Viktor sa internet café niya. Di


kalaunan ay nagkapalagayan sila ng loob at nahulog sa isa’t isa.

Siyempre inamin naman ni Val na siya talaga ang nagpursige para

maging sila ni Viktor. Sweet na sweet sila sa isa’t isa at kung titignan

ay para na silang mag-asawa. Para mas kompleto na, niyaya ni Val si

Viktor na tumira sa bahay niya. Noong una ay nagdadalawang isip pa

si Viktor ngunit kalaunan ay nakumbinse din niya ito.

“Wala na rin kasi akong pamilya. Namatay ang mga magulang

ko bata palang ako. Nag-rerenta lang ako ngayon sa isang maliit na

kwarto”, wika ni Viktor. Nang lumipat na siya sa bahay nila ni Val ay

nahiya siya dahil wala siyang trabaho at alam niyang si Val ang

gagastos ng lahat ng pangangailangan niya. Gustohin man niyang

maghanap ng trabaho ngunit mahihirapan siya dahil hindi siya

nakapagtapos ng pag-aaral. Hindi rin gusto ni Val na magtrabaho siya

kaya napilitan siyang tumira doon na libre ang lahat.

“Wala naman kasing problema ang lahat ng gastusin. Mahal ko

siya at alam kong darating ang panahon na makakapamuhay kaming

walang problema. Sa ngayon, ok lang ako na ganito kami. Walang

problema sa akin”. Tulad ng ibang magkarelasyon, nakakaranas din

naman sila ng mga kaunting di pagkakaunawaan. Minsan nga lang ay

nasosobrahan kaya umaabot sa sakitan.


Isang araw, umuwi si Val na gutom na gutom. Siyempre kasi

pasado alas dose na at hindi pa siya kumakain. Inaasahan niya na

pagdating niya ng bahay ay nakapagluto na si Viktor dahil nag-iwan

naman siya ng pera at may mga lulutuin din sa refrigerator. Pag

dating niya ay na dismaya nalang siya na wala pang kanin at ulam na

naihanda si Viktor. Ngunit ang labis na ikinagalit niya ay nandoon

lang si Viktor, walang ginagawa at nanonood lang ng tv. “Eh kasi

naman, wala naman siyang ginagawa. Nandun lang nagpapasarap sa

ginagawa. Ako dito galling sa trabaho, gutom na gutom. Pagsaing at

pagluto lang ng ulam di pa magawa. Sa galit ko, hinagis ko sa kanya

ang mga plato. Muntik pa nga siyang tamaan sa mukha. Tinapon ko

rin sa kanya ang tinidor at kutsara para matauhan siya. Sigaw ako ng

sigaw sa inis ko sa kanya. Nataponan ko pa nga siya ng kutsilyo noon

eh. Nagdilim kasi ng husto ang paningin ko lalo pa’t gutom na gutom

ako.”, wika ni Val.

Sa insidenteng iyon ay humingi ng tawad si Viktor kay Val. Labis

niyang pinagsisihan ang ginawa niya. Si Val naman ay humingi rin ng

tawad kay Viktor sa mga ginawa niya. Pinangako nila sa isa’t isa na

magbabago na. Aminado si Val na kapag siya ay nagagalit,

nahihirapan siyang kontrolin ang kanyang galit sa kahit sinong tao. Sa


ganda niyang iyon ay hindi mo lubos iisiping ganoon pala siya katindi

magalit.

Pagkaraan ng ilang linggo ay may nangyari na naman na

napakatindi. Nahuli ni Val si Viktor na nakikipaghalikan sa isang

babae sa sarili nilang kuwarto. Wala kasi si Val noong araw na iyon

dahil namili siya ng pagkain at gamit nila sa bahay. Pagdating niya ay

may napansin nalang siyang kakaiba. Nang umakyat siya sa kuwarto

nila ay doon niya nakita si Viktor at ang babae. Dumilim ang paningin

ni Val kaya unang ginawa niya ay hinalbot niya ang buhok ng babae

at hinatak ito palabas ng kanyang bahay. Pinagsasampal pa niya ito.

Wala naring nagawa ang babae dahil siyempre bahay iyon ni Val.

Agad tumakbo ang babae palabas ng bahay. Walang kibo si Viktor sa

mga nakita niya. Pero hindi pinalampas ni Val ang kawalang hiyaang

ginawa ni Viktor sa kanya. “Akala kasi siguro ni Viktor na

palalampasin ko ang ginawa niya. Sa galit ko, hinampas ko siya ng

bintilador. Nasira nga iyon. Galit na galit kasi ako. Sinuntok ko siya sa

mukha at hinagis ko sa kanya ang mga damit niya. Muntik ko na

talaga siyang palayasin sa pangyayaring iyon. Buti nalang at hindi

lumaban si Viktor, dahil kung nangyari iyon, yari talaga siya sa akin.

Akala niya porke bakla ako hindi ko siya kaya. Doon siya

nagkakamali”, sabi ni Val.


Gaya ng mga away nila noon, unang humingi ng paumanhin si

Viktor sa nangyari. Alam niyang mali ang kanyang nagawa lalo pa’t sa

bahay ni Val nangyari ang lahat. Pinagsisihan niya ang lahat at

nangakong hindi na ito gagawin kailanman. Alam ni Viktor na kaya

siyang palayasin ni Val kahit anong oras pero alam din niya na mahal

na mahal siya nito kaya dapat lang na suklian niya rin ito.

Si Val ay marunong namang kumilala sa kung ano dapat o mali

pero para kasi sa kanya ay hindi siya dapat inaargabyado. Naniniwala

siyang karapat-dapat ding respetohin ang mga tulad niya. Wala dapat

pinipiling tao o anyo ang respeto dahil naniniwala siyang pantay lahat

ng tao sa mundo.

Ilang araw lang matapos ang pangyayaring iyon ay may away

na naman na naganap. Alas 2 na ng medaling araw umuwi si Viktor.

Labis na nagduda si Val kung saan siya galing dahil alam niyang wala

namang pera si Viktor kaya kung gimik lang ay hindi ito

kapanipaniwala. “Nainis ako kasi noong tinanong ko siya kung saan

siya galing, nakipagkita daw siya sa mga kasamahan niya sa trabaho

noon at nilibre siya. Napaka-enjoy naman ng ginawa nila at umabot

pa talaga ng madaling araw. Eh, sinigawan ba naman ako at sabing

ano daw paki ko. Talagang uminit ang dugo ko at hindi ko talaga
napigilang suntokin siya sa mukha. Tinapon ko lahat ng damit niya sa

labas ng bahay. Inis na inis talaga ako. Nagmakaawa siya sa akin na

papasukin siya ulit. Siyempre naawa naman ako kaya pinapasok ko”,

wika ni Val.

Gaya ng mga dating away nila, humingi sila ng tawad sa isa’t

isa. Hindi rin lubos maintindihan ni Val kung bakit mahal na mahal

niya si Viktor sa kabila ng mga pagtataksil nito. Siguro nga ay

natanggap na niya na lalaki si Viktor at naghahanap talaga ng tunay

na babae. Pilit na niyang tinatanggap ito at alam niyang balang araw

maaayos din ang lahat. Si Viktor naman, kahit na sinasaktan siya ni

Val ay hindi niya ito kayang iwan. Napamahal na talaga siya kay Val

at kayang tanggapin kung ano man ang gawin ni Val.

Marami pang sumunod na mga away ang dumating sa

pagsasama nina Val at Viktor pero gusto nilang ituring ito na mga

pagsubok lamang sa kanilang relasyon. Alam nilang malamlampasan

nila ang lahat ng ito dahil parte naman talaga ito sa isang relasyon.

Siguro nga lang ay dapat nilang isipin na hindi makabubuti para sa

kanila na magsakitan nalang lalo na si Val. Kahit na dala lang ng

emosyon ang mga ito ay hindi dapat sinasanay ni Val ang sarili.
Magtatatlong taon na silang tumitira sa iisang bahay.

Wala na silang pakialam kung ano ang sabihin ng iba basta ang alam

lang nila ay mahal nila ang isa’t isa at kayang harapin anumang

bagay na dumating. Sana nga lang ay matutunan na nilang

pahalagahan kung anong meron sila sa ngayon.

Vous aimerez peut-être aussi