Vous êtes sur la page 1sur 2

Ano ang organismong nagdadala ng BLB? Xanthomonas oryzae pv.

Oryzae Paano makilala o makumpirma na may BLB ang inyong palay? Maaaring kumuha ng dahong may sakit mula sa bukid. Putulin ang dahon malapit sa ibabang parte ng hiwa o sugat sa mga bahagi ng may sakit na halaman. Ilagay ang pinutol na dahon sa isang malinaw na basong may tubig ng ilang minuto. Maaaring itapat ang baso sa liwanag at mapapansing may tumatagas na katas mula sa putol na bahagi ng dahon ito ay mga bakterya. Pagkalipas ng 1 2 oras ay nagiging malabo na ang tubig sa baso dahil sa tumagas na bakterya mula sa dahong may sakit. Upang malaman kung ang mga sintomas ay sintomas ng kresek o ng stem borer (askip), putulin sa gawing ibaba ang halaman at pisilin ito sa pagitan ng mga daliri. Kapag may manilaw-nilaw na tagas ng bakterya na lumabas sa putol na dulo, ang halaman ay may kresek. Ano ang iba pang problema at sakit sa palayan na may katulad na sintomas? Ang mga halamang palay na may kresek, ay maaari ding ipagkamali sa palay na pininsala ng stem borer. Bakit dumadapo ang BLB at saan ito lumalaganap? Nananatili at nagpapatuloy ang buhay ng sakit na ito kapag may natira sa palayan na mga damo, pinag-gapasan, at mga supling ng palay na nagkaroon dati ng BLB. Ang mga ito ang pagsisimulan ng panibagong sisibol na sakit. Maaari din namang pagmulan ng bakterya at impeksyon ang tubig sa palayan mismo at maging ang irigasyon. Nakatutulong din sa paglaganap ng sakit ang mainit na panahon (mga 25-30C), mataas na halumigmig sa hangin, pag-ulan, at malalim na pagpapatubig sa palayan. Ang mga palayang laging nakalubog sa tubig ay nagiging sanhi din para sa paglaganap ng sakit na ito. Ang malakas na hangin, na dahilan upang humampas ang mga dahon at mag-sugat ang mga ito, at ang sobrang pag-aabono ay nagbibigay daan din sa paglaganap ng sakit. Ang pagkabasa ng mga dahon dahilan sa tampisaw mula sa tubig ng irigasyon o mula sa tubig-ulan na hinampas ng hangin ay maaaring magsalin ng bakterya mula sa halamang maysakit papunta sa iba pang halaman. Ang mga matatalas na gamit pang-putol ng dahon o ugat bago itanim, at ang paraan ng pagdadala sa mga punla, ay maaari ring pag-simulan ng impeksyong tulad ng Kresek. Ano ang mga iba pang pwedeng tirahan ng sakit na BLB? Maliban sa palay, marami pang pwedeng tirahan ang sakit na BLB. Sa bansang Hapon, binabahayan din ng BLB ang Leersia Sayanuka Ohwi, Leersia oryzoides, Leersia japonica, at Zizania latifolia. Sa mga bansang tropiko, napagalamang dinadapuan din ng sakit na BLB ang Leptochloa chinensis, Leptochloa filiformis, at Leptochloa panacea. Sa bansang India naman ay Cyperus rotundus at Cyperus difformis ang tinitirhan din ng BLB. Sa bansang Australia, napag-alamang tumatagal din ang BLB sa mga damong palay o ligaw na palay gaya ng Oryza rifopogon at Oryza australiensis. Ano ang mga paraan ng pagpinsala ng BLB? isa sa nagiging daanan upang makapasok ang bakterya at siyang pagsimulan ng kresek ang pagpuputol sa mga dahon ng punlang palay bago itanim. Ang mga bakterya ng BLB ay pumapasok sa mga hydathodes (natural na butas-lagusan ng tubig ng halaman) o istomata (pinong butas sa dahon) ng mga dahon ng palay. Maaari ring dumaan ang bakterya mula sa mga bitak sa mga puno ng palay dulot ng pagsibol ng panibagong ugat dito, o mula sa mga sugat sa dahon at ugat nito. Kapag nakapasok na ang bakterya, silay dumadami agad, hanggang ang mga ito ay tumagas muli palabas ng dahon ng palay.

Kailan mahalagang gumawa ng aksyon batay sa pinsala? Ang BLB ay isa sa pinakamatinding sakit ng palay na kilala sa buong mundo. Ito ay matatagpuan sa mga bansang tropiko at sa mga bansang may kalamigan o temperate regions. Ang mga uri o lahi ng bakteryang BLB sa mga bansang tropiko ay mas nakahahawa at medyo matapang kaysa sa mga lahi o uri ng bakteryang BLB sa mga bansang temperate o medyo malamig. Ano ang epekto ng sakit sa kabuhayan ng mga magsasaka? Taon-taon, umaabot ng animnapung porsyentong (60%) kabawasan sa ani ang naidudulot ng BLB sa Asya. Halimbawa, sa bansang Hapon, nasa 300,000 hanggang 400,000 ektaryang palayan ang apektado ng BLB nitong mga nakalipas na taon. May mga ulat na umaabot na 20% hanggang 50% ang nagiging kabawasan sa ani sa mga palayang matindi ang pinsala ng BLB. Sa Indonesia, ang mga kabawasan sa ani dulot ng BLB ay sinasabing mas mataas sa bansang Hapon. Sa bansang India, milyong ektarya ng palayan ay malubhang nasalanta ng BLB, na nagdulot ng 6% hanggang 60% kabawasan sa ani. Ano ang mga prinsipyo ng pamamahala at pagkontrol sa sakit? Ang pagpapanatili ng kalinisan sa palayan sa pamamagitan ng pag-aalis ng mga posibleng tirahan ng bakteryang BLB gaya ng mga damo, dayami, mga supling mula sa pinag-gapasan ng palay, at mga punlang wala sa linya o hanay ng tanim at posibleng nalaglag lamang at tumubong kusa ay mahalaga upang maiwasan ang paglaganap ng impeksyon mula sa sakit na BLB. Gayundin naman, makatutulong ang pagpapatubig ng mababaw lamang sa kamang punlaan, maayos na pagpapaiga ng palayan kung nakaranas ng malalim na pagbaha, at pagbabaon sa lupa ng mga dayami at pinag-gapasan sa pagaararo. Inire-rekomenda din ang tamang pagsasabog ng patabang nitroheno gaya ng urea at ammosul upang maiwasan ang sakit na BLB. Ang paggamit ng mga barayti ng binhing matibay sa BLB ang pinaka-epektibo at pinaka-karaniwang pamamahalang ginagawa ng mga magsasaka sa Asya laban sa BLB. Kung sa masusing pagsasaliksik ay nakitang maraming uri ng bakteryang BLB ang nadiskubre sa bukid, inire-rekomendang magtanong sa teknisyan sa inyong lugar kung ano ang mga barayti ng binhi na nagtataglay ng field resistant genes laban sa BLB. Mabuti rin na papahingahin ang lupang palayan at hayaang matuyo ng husto.

Maaari din namang gumamit ng bleaching powder (100 g/ml) at zinc sulfate (2%) sa paghuhugas ng binhi upang mabawasan ang posibilidad na magkaroon ng BLB ang mga punla magtanong lamang sa mga teknisyan tungkol dito. Ang pag-kontrol ng BLB sa pamamagitan ng mga copper compounds, antibayotiko, at iba pang kemikal ay napatunayang hindi gaanong epektibo.

Vous aimerez peut-être aussi