Vous êtes sur la page 1sur 4

ANG MAG-ASAWA Kevin Bautista

1. Kakapain ko ang susi sa ilalim ng doormat. 2. Iyon ang giit mo: hindi sa tabi ng paso. 3. Sa halip, isang maliit na palakang bato ang nakahandusay. Mamasa-masa pa. 4. Katabi noon ang susi na may malaking keychain ng VIGAN na nakaukit sa binarnisang tapyas ng kahoy. 5. Sabay pihit sa doorknob. Marahang pagsara. 6. Pagkapa ng switch sa dilim, tumambad ang sala. 7. Ulam ng kahapon sa lamesa. 8. Maligamgam na pitsel ng tubig. 9. Lagok. Naririnig ko ang sarili kong paglagok. 10. Sa likod ng pinto ng kwarto binagalan ko ang pagsabit ng sinturon. 11. Bumaling si misis. Haplos sa hita, mainit sa malamig na gabi. 12. Nanaginip ako, sabi niya. 13. Madalas niyang sinasabi ito kapag naalipungatan. 14. Sa umaga, maglalaho na lang basta ang panaginip. 15. Kadalasan, pinipilit ko pa siya habang nag-aalmusal. 16. Nasabi ko 'yun? 17. Gusto ko sanang ibulong kagabi na nanigarilyo ako sa pagod kanina. 18. Maraming ipinagawa si Sir kanina, maraming papeles... 19. Tilaok ng manok sa di-kalayuan.

20. Ipagpabukas ko na lang ang kwento ko. 21. Kamusta ang trabaho? 22. Nakakagutom ang lagutok ng piritong itlog sa kusina. 23. Halos mapuno na ang jeep sa Cabanatuan kagabi 24. Katabi ng dalawang piritong itlog ang ulam ng kahapon sa lamesa. 25. Naaalala ko sa shampoo niya ang mga katabi kong babae sa dyip kagabi. 26. Nakakapamutlang lamig ng nakakalunod na hangin. Nakakapanuyo ng mga labi. 27. May tugtog bang makaluma sa dyip na nasakyan ko kahapon? 28. Nanaginip ako, sabi niya. 29. Makikinig ako. 30. Ikinwento niya ang isang eksena sa panaginip niya. 31. Tungkol ito sa dalawang matandang nanunungkit ng mangga sa tapat ng bahay. 32. Siguro mga hatinggabi 'yon. Basta, nanunungkit sila... Para bang kailangang kailangan nilang sumungkit ng mangga. 33. Tapos... sabi niya. 34. Naglaho siya sa hapagkainan para magtimpla ng kape. 35. 'Yung nasungkit nilang mangga, parang nagliliyab. 36. Bigla kong naalala yung isang batang tulala kasama ang nanay niya sa dyip kagabi. 37. Patang-pata ang katawan niya sa pagod. 38. May hawak silang isang sakong manggang hilaw. 39. Ititinda ata nila sa Maynila. 40. Lagok.

41. May tunog ng kalansing ng pagtitimpla ng kape. Nakaupo na siya, kumakain. 42. Ano nang nangyari sa manggang hilaw? 43. Nasabi ko 'yun? 44. Maaari. 45. Nabalitaan daw niyang namatay na yung matandang nagbebenta ng palabok sa may highway. 46. Tuwing alas-tres siya nagtatayo ng istante at nagtitinda. 47. Noong nakalipas na linggo lamang nakita ko siya. 48. Paubos na, 'toy, sabi niya sakin noong papalapit pa lang ako. 49. Balak pa daw naman niyang ibigay ang luma naming siyanse sa kanya. 50. Tilaok ng manok sa di-kalayuan. 51. Pagkababa ko ng dyip, amoy na amoy ko ang tinotostang bawang sa kalapit na lugawan. 52. Naalipungatan ang tricycle driver, sabay kusot ng mga mata. 53. Saan ho? 54. Namukhaan ko siya. 55. May nakita ka bang sumusungkit ng mangga kagabi? 56. Nako, wala ho... Bakit niyo natanong? 57. Masarap pa mandin ang luto niyang palabok, sabi niya... 58. Palagay ko'y nagdadalawa lang ang paningin ko kagabi. 59. Ibigay natin ang siyanse sa burol niya, sabi ko. Mahirap magtampo ang kaluluwa. 60. Pagkababa ko ng tricycle, pinagmasdan ko ang puno ng mangga sa tapat ng bahay. 61. Tinatakot ko lang siguro ang sarili ko gabi-gabi.

62. Sabay pihit sa doorknob, marahang pagsara. 62. Pagkapa ng switch sa dilim, tumambad si misis. Umiinom ng kape. 63. Nanaginip ako, sabi niya.

Vous aimerez peut-être aussi