Vous êtes sur la page 1sur 6

ANG HINDI SINASABI TUNGKOL SA ATING (MGA) WIKA

Ricardo Ma. Duran Nolasco

1. Magkaiba ba ang Filipino sa wikang Tagalog at Pilipino?


Hindi. Itoy sapagkat una, magkapareho ang gramatika (parehong
panghalip, panlapi, pantukoy, atbp.) ng nasabing mga barayti.
Ikalawa, ang sinumang nagsasalita ng Filipino ay naiintindihan ng
sinumang nagpi-Pilipino o nagta-Tagalog. Ikatlo, Tagalog ang
tawag ng maraming Pilipino sa wikang ito.

2. Puro ba ang Tagalog samantalang nanghihiram ang Filipino?


Maproblema ang ganitong pormulasyon. Itoy sapagkat nanghihiram
ang lahat ng wika. Ang Tagalog sa simulat simula pay nanghihiram
na sa kalapit na wika at pati sa Sanskrit, Tsino, Espanyol at Ingles.

3. Ano naman ang Taglish?


Narito ang isang halimbawa ng Taglish: Actually, kini-criticize lang
kita upang mag-rectify ka ng iyong errors. Makikita na ang mga
panlapi, panghalip at sunuran ng mga salita (word order) ay Tagalog
samantalang ang bokabularyo ay Ingles. Sapagkat Tagalog ang
gramatika ng Taglish, Tagalog pa rin ito at Filipino na rin.

4. Ano ang pambansang lingua franca?


Malapit sa ideyang ito ang tinutukoy na Filipino sa saligang batas.
Ito ay uri ng Tagalog na umusbong at natural na ginagamit sa
Kamaynilaan at iba pang lugar kung saan nagtatagpo at
nagsasalubungan ang mga mamamayan na magkakaiba ang wika.
Buhat sa pagiging wika ng Katagalugan, lumaganap ito sa kapuluan
sa tulong ng masmidya. Idinagdag ito ng maraming tagapagsalita
bilang pangalawang wika (L2) sa kani-kanilang unang wika (L1).
Bagamat maraming lokal na bersyon ang wikang pambansa (e.g.
Tagalog-Davao), ang barayti ng Maynila at ng Katagalugan ang
siyang tinitingala at itinuturo sa eskwelahan bilang Filipino. Walang
masama rito bastat niyayakap ito ng mamamayan, itinuturo ito nang
tama at hindi itinatakwil ang L1.

1
5. Bakit pinalitan ng katawagang Filipino ang wikang pambansa?
Itoy sapagkat gusto ng Constitutional Commission ng 1986 na ang
wikang pambansa ay ibatay hindi lang sa iisang wika kundi sa mga
wika ng Pilipinas. Akala ng iba na ang malilinang na Filipino ay
pinaghalong mga katangian ng ibat ibang wika. Pagkaraan ng
tatlumpung taon ay hindi pa rin nangyayari ang inaasahang
amalgam na Filipino.

6. Totoo ba na ang wikang pambansa, na dating Tagalog lang daw,


ay naging Filipino na?
Ang patunay daw dito ay ang ortograpiyang pambansa na binuo ng
ahensyang pangwika ng gobyerno. Nakapasok raw sa nasabing
ortograpiya ang mga tunog na wala sa Tagalog, gaya ng c, f, v,
at j. Kaya raw ito pambansa. Lihis ang haka-hakang ito. Bago pa
man ng ortograpiyang pambansa ay mayroon nang wikang panlahat
ang mga Pilipino. Puro man o bukas sa panghihiram, ang wikang
ito ay Tagalog pa rin sa kaibuturan.

7. Uubra ba ang ganitong ortograpiyang pambansa?


Hindi. Itoy sapagkat may kanya-kanyang sistema ng palatunugan
ang bawat wika na hindi puwedeng ikumpara sa isat isa. Maaaring
magkakahawig ang mga tunog/letra pero magkakaiba ang halaga,
bigkas at distribusyon ng mga ito sa bawat sistema. Halimbawa, sa
ilang wika sa Kordilyera, ang d ay nagiging ch kapag ang kasunod
ay patinig (bodong > fochong); sa ibang wika (gaya ng Tagalog, Iloko
at Bikol), iba ang nangyayari. Sa Guinaang-Bontok, ang mga letrang
f, v at b ay kabilang sa iisang katutubong tunog; sa maraming
wika, ang mga itoy magkakahiwalay at hiram na tunog. Sa Sinurigao
at Bol-anon, nagpapalitan ang j at y (bayi > baji); walang ganitong
pagpapalitan sa ibang dialekto ng Binisaya. Sa madaling sabi, hindi
uubra ang one size fits all na ortograpiya.

8. Ano ang tamang konsepto ng Filipino?


Mas malinaw ang konsepto ng Filipino bilang pambansang lingua
franca. Pero ang konseptong ito ay kailangang umalinsunod sa
multilingual na patakaran ng isang bansa, maraming wika. Hindi
maaaring magkaroon ng iisang dila ang bansang may iba-ibang wika.

2
Sa madaling sabi, kailangang pahalagahan ang mayamang
dibersidad ng mga wikat kultura ng Pilipinas.

9. Umaayon ba sa konstitusyon ang isang bansa, maraming wika?


Oo. Totoong nakasulat sa konstitusyon na ang wikang pambansa ay
Filipino. Pero kinikilala din dito ang eksklusibong kapangyarihan ng
Kongreso na magpatibay ng mga batas kung paano ipatutupad ang
nasabing probisyon. Ginamit ng Kongreso ang naturang
kapangyarihan. Naglabas ito ng bagong mga batas na kumikilala sa
mother tongue-based multilingual education (MTB-MLE). Ang mga
batas na ito ay ang Republic Act No. 10410 (The Early Years Act),
Republic Act No. 10157 (The Kindergarten Act) at Republic Act No.
10533 (K-12). Pinagtibay ng nasabing mga batas ang kahalagahan
ng mother tongue o L1 sa batayang edukasyon, katuwang ng wikang
pambansa at ng Ingles.

10. Ano ang legal na depinisyon ng wikang kinagisnan o L1?


May apat na kahulugan ang terminong ito sa ilalim ng batas. Una,
wikang kinamulatan ng bata. Ikalawa, wika ng pagkakakilanlan, ayon
sa kanyang pagpapasya. Ikatlo, wikang alam niya nang husto. At
ikaapat, wikang lagi niyang ginagamit.

11. Totoo bang hanggang Grade 3 lang ang L1?


Hindi. Nakasaad sa RA 10533 ang sumusunod: Basic education
shall be delivered in languages understood by the learners. Para sa
maraming Pilipino, ang wika ng pagkatuto ay hindi Tagalog at lalong
hindi Ingles lamang. Mas importante pa rito, maliwanag na nakasaad
sa nasabing batas na ang L1 ay siyang wika ng pagtuturo hanggang
sa panahon na ang L2 (e.g. Tagalog/Filipino at Ingles) ay maaari
nang gamiting pangunahing midyum sa hayskul.

12. Ipinapapatupad ba ng Department of Education (DepEd) ang


nasabing mga probisyon?
Hindi. Sa di-malamang dahilan ay ipinaiiral pa rin ng DepEd ang
Department Order No. 31, serye ng 2012 at 2013, kung saan
hanggang Grade 3 lang daw ang gamit ng L1. Pagdating daw ng
Grade 4 ay agad-agad nang ililipat ang mag-aaral sa Ingles at
Filipino. Bukod dito ay nilimitahan ng DepEd sa 19 na wika lamang

3
ang puwedeng gamitin sa pagtuturo, bagamat walang ganitong
itinatadhana ang batas at walang paliwanag kung paano napili ang
19.

13. Ano ang sinasabi ng pananaliksik tungkol sa paggamit ng L1 at


L2 sa edukasyon?
Mahinang programa ang early-exit na programa (L1 hanggang Grade
3). Batay sa sarili nating pag-aaral at sa internasyunal na karanasan,
laluna sa Aprika, (a) kailangan ng 12ng taon man lamang para
matutuhan ng bata ang kanyang L1; (b) mas madaling matuto ng L2
ang mag-aaral na may edad na 10 hanggang 12ng taon kumpara sa
mas bata dito; (c) kailangan ng 6 hanggang 8ng taon ng malakas na
pagtuturo ng L2 bago magamit ito bilang mabisang midyum; at (d)
ang wala-sa-panahong pagpapagamit ng L2 sa bata ay maaaring
makapinsala sa literasiya at sa pagkakatuto ng siyensiya at
matematika. Samakatwid, salungat sa pananaliksik ang
kasalukuyang ginagawa ng DepEd.

14. Hindi ba auxiliary language lamang ang mga wikang pang-


rehiyon at wikang kinagisnan?
Ang dating pagkakaunawa sa auxiliary language ay pantulong na
wika, ginagamit lamang kapag hindi naunawaan ng mag-aaral ang
aralin sa opisyal na midyum. Mas malawak ngayon ang konsepto sa
auxiliary language sa ilalim ng ating batas. Sa Republic Act No.
7104, ang terminong ito ay tumutukoy sa a particular language,
spoken in certain places, which supports or helps the national and/or
official languages in their assigned functions. Samakatwid, ang
kahulugang ito ay mas malapit sa katuwang o nagtutulungang wika
(complementary language).

15. Nananatili bang opisyal na wika ang Ingles?


Oo. Ayon sa saligang batas, ang Ingles ay mananatiling opisyal na
wika, hanggat walang ibang itinatadhana ang batas. Sa kasalukuyan,
ang paggamit ng wikang Ingles sa edukasyon ay maaari lamang
pahintulutan ayon sa mga kundisyon na itinatakda ang batas.
Halimbawa, kung ang Ingles ay hindi nauunawaan ng mga mag-aaral
at may ibang wikang maaaring gamitin sa pagkatuto (e.g. Iloko,
Binisaya), ipinagbabawal ang paggamit ng Ingles bilang
pangunahing wika ng pagkatuto. Gayunman, pinapayagan ang bai-

4
baitang na pagtuturo ng Ingles at iba pang asignatura bastat
nauunawaan ang turo (comprehensible input.)

16. Nakatulong ba ang Ingles sa edukasyon ng ating bansa?


Nakatulong ang Ingles sa edukasyon ng iilan pero naging sagabal ito
sa edukasyon ng karamihan. Ang kabiguan ng Ingles sa edukasyon
sa Pilipinas ay dahil sa maling patakaran ng paggamit dito bilang
pangunahing wika ng pagkatuto, laluna sa siyensiya at matematika.
Base sa pag-aaral ng Trends in International Mathematics and
Science Study noong 2003, halos 6 na porsyento lamang ng mga
nasa hayskul ang palagiang gumagamit ng Ingles sa kanilang
pamamahay. Sa kabila nito ay numero uno ang Pilipinas sa buong
mundo sa paggamit ng dayuhang wika sa edukasyon. Isa ito sa mga
dahilan kung bakit mababa ang mga iskor ng mga Pilipino sa
siyensiya at matematika. Panahon na para pakinggan ang
pananaliksik: mas makakatulong kung gagamitin muna ang sariling
wika bilang wika ng pagkatuto at saka idagdag ang Ingles sa
nakatataas na baytang ng edukasyon.

17. Paano kung hindi lang isa ang L1 sa klasrum?


Kailangang magtiwala sa mapanlikhang kakayahan ng mga guro sa
paghahanap ng optimal na solusyon sa ganitong mga sitwasyon.
Halimbawa, bukod sa kaalaman at kakayahan, ang pagpili at
pagtatalaga ng guro ay kailangang ibatay sa kung ilan at anong wika
ang kabisado nito at kung ilan at anong wika ang gagamitin sa iisang
klasrum. Ang paggamit ng mga materyales na nakasulat sa dalawa o
tatlong wika ay mabisang solusyon sa isang multi-lingual na klasrum.
Sa mga melting pot na lugar, ay maraming mga melting pot na
guro na nakapagsasalita ng mahigit sa isang wika.

18. Ano ang tamang pagtingin sa wikang pambansa at sa iba pang


wika sa Pilipinas?
Hindi dapat tratuhin ang mga wika, gaya ng Binisaya,
Maguindanawn, Iloko, Hiligaynon, Kapampangan, Subanen,
Kalanguya, Manobo at Waray, bilang iba pang wika sa Pilipinas.
Hindi dapat ilagay sa pedestal ang wikang pambansa at Ingles,
samantalang ang mga wikang di-Tagalog ay pinag-uukulan lamang
ng pabalat-bungang pagkilala, laluna sa edukasyon.

5
19. Ano ang maaaring gawin ng administrasyong Duterte sa
larangan ng wika at edukasyon?
Kailangang ihinto ang umiiral na subtractive o mapang-menos na
edukasyon kung saan ang L1 at kultura ng mag-aaral ay pinapatay at
pinapalitan ng L2 at ng di-pamilyar na kultura. Sa halip ay kailangang
itaguyod ang additive na L1 + L2 na edukasyon (MTB-MLE), kung
saan ang L2 (Ingles at Filipino) ay dumadagdag--hindi kumakaltas--
sa L1. Salungat sa sinasabi ng iba, ang MTB-MLE ay hindi lang
hanggang Grade 3 kundi hanggang kolehiyo at panghabambuhay pa
nga.

20. Gaano kaimportante ang mga guro sa naturang mga gawain?


Ang pinaka-kritikal na gawain ngayon ay ang matagalang
pagsasanay at re-edukasyon ng libu-libong guro sa nilalaman ng mga
asignatura at sa paggamit ng L1 at L2 sa pagtuturo. Tungo dito,
kailangang linangin ng ating mga intelektwal ang kanilang wikang
pang-akademya buhat sa nakasanayang L2 (e.g. Ingles) papuntang
wikang sarili. Hindi dapat pagtuunan ng pansin ang pagsasalin lang
ng termino kundi ang maingat at pinag-isipang pagsasalin ng
konsepto sa mga halimbawa at paliwanag na mauunawaan ng mag-
aaral. Ipinamana sa atin ng nakaraang mga administrasyon ang
binhi ng multilingual at inklusibong edukasyon. Nasa
administrasyong Duterte ang punong responsibilidad ngayon na
patubuin ang nasabing binhi at alagaan ang usbong upang itoy
maging matipuno at malusog na halaman. Sa ganang amin, ang
tunay na pakikidigma ay hindi iyong laban sa ilegal na droga at
katiwalian, kundi itong pakikidigma sa ilegal at tiwaling edukasyon.
________
Si Ricardo Ma. Duran Nolasco, PhD (rnolascoupdiliman@gmail.com)
ay associate professor sa linguistika sa Unibersidad ng Pilipinas-
Diliman.

Vous aimerez peut-être aussi