habang hinahanap ang kanyang ina. “O, Akram, anak, anong nangyari sa iyo? Bakit humahangos ka?” tanong ng kanyang inang si Aaminah. Sumagot si Akram habang hinahabol ang kanyang hininga. “Ina, pinasabog ng mga Maute ang paaralan namin. Sinakop nila ang buong paaralan. Buti na lang pinalikas kami ng aming guro para hindi kami masaktan.” Nagulantang si Aaminah sa pahayag ng anak. Napaluhod siya dala ng panghihina ngunit nagawa niyang manalangin. “Allah, nagsusumamo po ako sa Inyo, patnubayan Niyo po ang aming bayan laban sa karahasan. Iligtas Niyo po ang aming mga pamilya sa sakuna na dala ng kaguluhang ito.” Hindi maialis ni Aaminah ang kaba sa kanyang dibdib dahil wala sa bahay ang kanyang asawa na si Abdul. Kasalukuyang nagdadalangtao rin si Aaminah kaya lalo siyang nag- aalala sa kanyang anak. Napayakap na lamang siya kay Akram at nabalot ng katahimikan ang buong kabahayan.
Ilang sandali pa ay nabasag ang katahimikan ng
bahay nina Aaminah nang may sumigaw sa kanilang bintana. “Aaminah! Aaminah!” Sigaw ng kapitbahay nilang si Ibrahim. “Bakit Ibrahim, anong nangyari?” tanong ng nagtatakang si Aaminah. “Huwag kang mabibigla pero natagpuan namin ang bangkay ni Abdul sa bukid malapit sa bundok. Pinagbabaril siya ng mga Maute. Patawarin mo ako kung hindi ko man lang siya natulungan na maisalba ang buhay niya dala ng takot ko,” kuwento ni Ibrahim. Napahagulgol na lamang si Aaminah habang nanatiling tulala si Akram. “Abdul, Abdul!!! Huhuhuhuhuhu!!! Bakit nangyari sa iyo ito? Huhuhuhuhuhu!!! Bakit mo kami iniwan ng mga anak mo?” hagulgol na anas ni Aaminah habang sapo niya ang kanyang sinapupunan. “Ama! Ama! Ama! Huhuhuhuhu!!! Bakit mo kami iniwan? Huhuhuhuhuhu!!!” paiyak na sigaw ni Akram habang yakap ang ina. Akmang titindig sina Aaminah at Akram upang puntahan ang mga labi ni Abdul nang nagwika si Ibrahim, “Huwag niyo nang puntahan ang bangkay ni Abdul. Kailangan niyo nang lumikas bago pa lumala ang gulo dito sa Marawi. Kami na ang bahalang maglibing sa asawa mo. Iligtas ninyo ang inyong mga sarili.” Maya’t-maya ay kabi-kabilang putok ng baril at pagsabog ng mga bomba ang narinig sa buong lungsod. Bagama’t puno ng pighati ang mag-ina ay nagmadali silang nag-impake ng mga gamit upang makalikas.
Tinulungan ni Ibrahim ang mag-ina na lumikas mula sa
Marawi. Isinakay niya ang mga ito sa trak ng militar palabas ng lungsod. Puno man ng pighati at hirap ang mag-ina ay nakaramdam sila ng panandaliang kapanatagan ng loob dahil kasama nila ang mga sundalo. Nang makarating sila ng terminal, sumakay sila sa bus papunta sa lungsod ng Surigao. Pagdating nila sa sentro ng bayan ay sinalubong sila ng kaibigan ni Aaminah na kapwa nila Muslim na si Maryam. “Assalamu Alaikum (Ang kapayapaan ay sumainyo), Aaminah,” pagbati ni Maryam sa mag-ina. “Walaikum Salaam (Ang kapayapaan ay sumainyo rin), Maryam.” Nagkamustahan ang dalawang magkaibigan at nagkuwentuhan tungkol sa kaguluhan sa Marawi at ang kasawian na sinapit ng mag- ina. “Huwag kang mag-alala, Aaminah. Kami muna ang kukupkop sa inyo para makapagsimula kayong muli. Ikaw naman Akram ay ipagpatuloy mo ang iyong pag-aaral,” wika ni Maryam. “Maraming salamat sa iyo, Maryam. Tatatanawin ko ng malaking utang na loob ang pagtulong mo sa aming mag-ina. Balang araw ay babawi kami sa iyo at sa iyong pamilya,” wika ni Aaminah.
Ipinagpatuloy ni Akram ang kanyang pag-aaral sa
Ikalawang baitang sa isang pampublikong paaralan. Sa unang araw ng pagpasok niya ay bumati ang kanyang guro. “Magandang umaga mga bata! May ipapakilala ako sa inyo na bago ninyong kaklase. Siya si Akram na taga-Marawi at siya ay isang Muslim,” ang sabi ng guro. Halos malusaw si Akram sa hiya nang makita niyang halos lahat ng mga mata ay nakatitig sa kanya. Mga mata na puno ng paghuhusga dahil sa kanyang pinagmulan at relihiyon. Napansin din niyang walang gustong makipagkaibigan sa kanya.
Nang lumabas na sila ng silid-aralan, dama niya ang
mga mapanuksong sigaw ng mga kaklase niya, “Muslim!!! Muslim!!! Muslim!!! Maute!!! Maute!!! Terorista!!! Terorista!!! Terorista!!!” Masakit isipin na sa mga oras na iyon na hinahangad niya na magkaroon ng mga bagong kaibigan sa bago niyang paaralan ay sadyang hindi niya makakamtan. Nadarama niya ang lupit at hirap ng mundo sa kanyang kinatatayuan. Para bang sunud-sunod na mga putok at pagsabog ng mga tukso ng kanyang mga kaklase.
Tumakbo habang umiiyak na umuwi si Akram. Dala
niya ang sakit mula sa paulit-ulit na pangungutya ng kanyang mga bagong kaklase. Tanong niya sa kanyang sarili nang may hinanakit, “Bakit ba ganito sila sa akin? Dahil ba ako ay isang Muslim? Terorista ba ang tingin ng mga tao sa katulad kong Muslim?” Nakita niya mula sa malayo ang kanyang ina. “Ina! Ina!” sigaw ni Akram. “Akram, anak ko, Bakit? Anong nangyari sa iyo, anak? Bakit ka umiiyak?” tanong ng nag-aalalang ina. Sumagot si Akram habang humihikbi, “Ina, bakit ganyan sila sa akin? Tinutukso po nila ako na terorista at miyembro ng mga Maute. Porke’t Muslim po ba ako ay masama na po ba akong tao? Wala naman akong masamang ginagawa sa kanila.” Wika naman ng kanyang ina, “Anak, patawarin mo sila at di nila alam ang katotohanan. Huwag mo na lang silang pansinin at ipagpatuloy mo lang ang pagiging isang mabuting batang Muslim. Darating ang araw na maiintindihan nila ang lahat.” Sumagot naman si Akram, “Opo, Ina. Ipagdadasal ko na lamang sila.”
Sa murang isip ni Akram ay kailangan niyang
paglabanan ang lahat ng pangungutya mula sa kanyang mga kaklase. Kailangan niyang tiisin ang lahat ng sakit na nadarama niya sa kanyang puso. Hindi pumasok sa isip niya na paghigantihan niya ang lahat ng mga batang nanunukso sa kanya. Sa halip ay sinusuklian niya ito sa pamamagitan ng matamis niyang ngiti. Nakalipas ang ilang araw at patuloy na tinutukso pa rin si Akram ng kanyang mga kaklase nang maabutan ito ng kanilang guro. “Bakit ninyo tinutukso si Akram? Bakit masama ang pagtrato ninyo sa kanya? Wala naman kayong pinagkaiba sa kanya, ah! Tignan ninyo ang inyong mga sarili sa salamin. Pare-pareho lang naman kayo na may mga mata, ilong, bibig, tainga, braso, kamay, mga binti at mga paa, di ba? May mga damdamin din naman kayo. Dahil lang ba na galing siya sa Marawi at isa siyang Muslim ay tatratuhin niyo siya nang ganyan? Umiiyak din naman kayo, nagagalit, tumatawa, nalulungkot, natutulog, gumigising, naglalaro, nangangarap at kung anu-ano pa. Kung ano ang nararamdaman ninyo, gayun din si Akram. Hindi man tayo pareho ng paniniwala pero iisa lang naman ang Panginoon na sinasamba natin. Matuto naman kayo na rumespeto sa kapwa ninyo kahit magkaiba kayo ng relihiyon. Isa tayong parte ng isang malaking pamilya. Magkakapatid tayong lahat at iisa lang ang ating Panginoon.”
Tahimik ang buong klase matapos silang pagsabihan
ng kanilang guro. Matapos nito ay nagwika ang isang kaklase ni Akram, “Titser, patawarin niyo po kami sa ginawa namin kay Akram.” Lumapit ang bata kay Akram. “Patawarin mo kami, Akram. Hindi ka na namin tutuksuhin.” Nagwika naman si Akram, “Pinapatawad ko na kayo, mga kapatid ko.” Nagsilapitan ang mga kaklase ni Akram at niyakap nila si Akram. Natuwa ang kanilang guro sa ipinakita ng kanyang mga mag-aaral. Nabalot ng pagmamahalan, pag-unawa at respeto ang buong silid-aralan.
Masayang umuwi si Akram at kinausap niya ang
kanyang ina. “Ina, masayang-masaya ako ngayon. Nagkaroon na ako ng mga kaibigan. Sigurado ako na magiging masaya ang aking pag-aaral sa bago kong paaralan.” Napangiti naman si Aaminah sa tinuran ng anak. “Masayang-masaya ako para sa iyo, anak.” Sabi pa ni Akram, “Sabi ng guro namin na tayo ay parte ng isang malaking pamilya.” Tugon naman ni Aaminah, “Tama ang guro mo, anak. Isa tayong parte sa isang malaking pamilya.” Sabay yakap ni Aaminah kay Akram. Bakas sa kanilang mga mukha ang kaligayahan at maaliwalas nilang haharapin ang bago nilang buhay sa bago nilang bayan at pamilya.