Vous êtes sur la page 1sur 6

LAKBAY PA – ‘KABILANG BUHAY’

Jar Burials in the Philippines


ANTROPOLOHIYA

Noong Marso 1964, natuklasan nina Victor Decalan, Hans Kasten at mga Peace Corps volunteers mula
Amerika ang yungib ng Manunggul sa Tabon ng Palawan. Sa loob, natagpuan nila ang isang banga na
ginamit na kabaong. Ang tuktok ng takip ay hugis Bangka na may tagasagwan at isang lalaki, kipkip sa
dibdib ang mga bisig tulad ng isang bangkay. Ito ang paglalakbay ng kaluluwa ng namatay.

Sa kanyang nakita, ipinagpalagay ni Robert Fox na ito ay gawa ng “isang tunay na manlililok at bihasang
magpapalayok.” Hinatulan nyang “walang kapantay” sa buong timog silangang Asya ang natuklasan kahit pa
may mga kahawig sa ibang lilok sa Taiwan at mga karatig-bayan.

Bandang 2,900 - 2,800 taon ang tanda ng tinatawag ngayong BANGA SA MANUNGGAL (Manunggul jar).
Halos kasabay ito ng mga unang paso at palayok na iniwan sa Palawan 3,000 taon na ang nagdaan.
Maaaring may iba pang matuklasan na mas matandang paso o palayok sa Palawan o ibang bahagi ng
Pilipinas sa mga darating na panahon.

Karamihan ng mga banga sa Tabon ay libingan ng tig-isang tao lamang. Sinasabing di ito Negrito dahil sa
hugis at laki ng bungo, Ginamit din ang mga banga bilang kabaong ng mga buto, ang iba ay pinahiran ng
puláng alikabok (red hematite), pagkatapos naagnas ang mga bangkáy. Tapos, pinaligiran ang banga ng
mga palayok at iba pang palamuti tulad ng gawi sa Sa-Huynh, Vietnam, sa Plain of Jars (Kalatagán ng mga
Bangà) sa katabíng bayan ng Laos, at sa mga pulo ng Talaud, sa Indonesia, sa timog ng Mindanao.

Dalumatin Natin:

1. Paano mo maiiugnay ang banga sa kamatayan?


2. Ano ang repleksyon ng manuggul jar sa ating kultura?
3. Alamin ang iba pang mga ritual sa patay ng isinasagawa pa rin mga Ifugao hanggang sa kasalukuyan.
ANG EKONOMIYA NG PILIPINAS
EKONOMIYA

Ang Pilipinas ay isang papaunlad na bansa sa Timog-Silangang Asya. Noong 2004, ito ay nasa ika-24 na
pwesto ng World Bank ayon sa kanyang purchasing poswer parity. Ang Pilipinas ay isa sa mga bagong bansa sa
mundo na nagiging industriyalisado.

Ang mahahalagang sektor ng ekonomiya ng Pilipinas ay kinabibilangan ng agrikultura, tulad ng


pagpoproseso ng pagkain, pananahi, at electronics at paggawa ng mga bahagi ng sasakyan. Karamihan sa mga
industriyang ito ay nasa bahaging Kalakhang Maynila at mga karatig na lugar. Ang pagmimina ay may malaking
potensyal sa Pilipinas.

Simula ng matapos ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig, ang ekonomiya ng Pilipinas ay nagkaroon ng
magkakahalong kasaysayan ng sensya ng pag-unlad at paglago. Sa mga taong lumipas, ang Pilipinas ay
nanggaling sa pagiging pinakamaunlad na bansa sa Asya pagkatapos ng Hapon hanggang sa pagiging isa sa
pinakamahihirap. Ang pag-unlad pagkatapos ng digmaan ay napakabilis, ngunit bumagal din sa paglipas ng
panahon. Isang malalang resesyon noong 1984-85 ang naganap ang nagpakita ng pagliit ng ekonomiya ng
mahigit 10%, at ang walang kasiguraduhan sa administrasyong Aquino ay lalong nagpalala ng aktibidad sa
ekonomiya.

Noong panahon ni Ramos, sinimulan niya ang malawakang reporma para palaguin ang kalakalan at ang
pamumuhunan ng mga dayuhan. Bilang resulta, nakitaan ang Pilipinas ng panahon ng mabilis na pag-unlad,
ngunit ang Krisis Pinansyal sa Silangang Asya noong 1997 ay muling nagpabagal ng pag-unlad ng Pilipinas.

Noong 1998, sinubukan ni Pangulong Joseph Estrada na ipagpatuloy ang reporma at pagbabago na
sinimulan ng Administrasyong Ramos, na nagdulot ng katulad na pag-unlad. Sa kadahilanan naman ng
impeachment at ang pag-alis ni Pangulong Estrada ay nagdulot ng mababang pag-unlad. Ang kasalukuyang
administrasyon sa pamumuno ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo ay nagtutulak ng mabilis na pag-unlad ng
ekonomiya. Noong 2004, ang ekonomiya ng Pilinas ay lumago ng 6.1%, na nalampasan ang estima ng
pamahalaan. Noong 2005, ang Pisong Pilipino ay nag-appreciate ng 6% ang pinakamabilis sa rehiyon ng Asya.
Ngunit, ang pana-panahong pagtaas ng halaga ng langis ay nagpapabagsak ng estima ng pamahalaan kada
taon. Noong 2006, ang ekonomiya ay nagpakita ng 5.4% na pag-unlad, ngunit ang mga bagyong dumaan ang
nagpabagsak sa sektor ng ekonomiya. Noong Pebrero 2007, nagtala ang merkado ng saping-puhunan ng
pinakamataas na puntos sa kasaysayan at nasa 33 kada isang Dolyar ang Piso.

Dalumatin Natin:

1. Ilarawan ang naging pag – angkat ekonomiya ng Pilipinas bago ang taong 2004 at ang mga kaganapan
matapos ang panahong ito.
2. Paghambingin ang estado ang ekonomiya ng bansa mula sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand
Marcos hanggang kay Pangulong Gloria Arroyo.
SI ADOLF HITLER AT ANG MALAGIM NA KASAYSAYAN NG MGA ALEMAHAN
KASAYSAYAN

Si Adolf Hitler (Abril 20, 1889 – Abril 30, 1945) ay ang dating Kansilyer ng Alemanya mula 1933, at ang "Führer"
(Pinuno) ng Alemanya mula 1934 hanggang sa kanyang pagkamatay. Siya ang pinuno ng Partido ng
Pambansang Sosyalistang Manggagawang Aleman (Nationalsozialistische Deutsche Arbeiterpartei o NSDAP), na
mas kilala bilang ang Partidong Nazi.

Nakakamit si Hitler ng kapangyarihan sa isang Alemanyang nahaharap sa krisis matapos ang Unang
Digmaang Pandaigdig. Sa pamamagitan ng paggamit ng propaganda at maaalindog na talumpati, nagawa
niyang umapila sa pangangailangan ng mga mahihirap at paigtingin ang mga ideya ng nasyonalismo, kontra-
Semitismo, at kontra-Komunismo. Sa pagtatatag ng maayos na ekonomiya, pinaigting na militar, at isang
rehimeng totalitarian, gumamit si Hitler ng isang agresibong patakarang panlabas (foreign policy) sa
paghahangad na mapalawak ang Lebensraum ("living space") ng mga Aleman, na nagpasimula ng
Ikalawang Digmaang Pandaigdig nang salakayin ng Alemanya ang Poland. Sa pinakamalaking abot-saklaw
nito, sumailalim ang kalalakihan ng Europa sa kontrol ng Alemanya, subalit kasama ang ibang Axis Powers,
sa huli'y natalo pa rin ito ng mga Kapangyarihang Magkakakampi (Allied Powers). Mula noon, natapos ang
mga patakarang panlahi ni Hitler sa pagpapapatay ng humigit-kumulang 11 milyong tao, kasama na rin ang
pagpaslang ng 6 milyong Hudyo, na ngayo'y kilala bilang Holocaust.

Sa mga huling araw ng digmaan, si Hitler, kasama ang kanyang bagong asawang si Eva Braun, ay
nagpakamatay sa kanyang taguan sa ilalim ng lupa sa Berlin matapos mapalibutan ng hukbong Sobyet ang
lungsod.

Dalumatin Natin:

1. Talakayinan mga ginawa ni Hitler na nagmarka sa kasaysayan hindi lamang sa Alemanya kundi maging
ng mundo.
2. Ano ang naging implikasyon ng pamunuan ni Hitler sa kasaysayan ng bansang Aleman? Talakayin ito.
HARAKIRI/SEPPUKU: ANG MARANGAL NA PAGPAPATIWAKAL NG MGA HAPONES
SOSYOLOHIYA

Kinikilala ang mga Hapones sa kanilang mga makabagong teknolohiya. Subalit maliban pa rito, ang mga
Hapones ay may makukulay na mga paniniwala at kultura.

Ang seppuku (sepe-puu-kuu) o higit na kilala sa tawag na hara-kiri ay isa sa mga ritwal na nagpapakita ng
katapangan at pagpapahalaga ng mga Hapon sa kanilang sarili. Ito ay ang ritwal ng marangal na pagpapatiwakal
na nag-ugat pa sa panahong pyudal ng mga bansang Hapon (1192-1868). Sa kalaunan, nadebelop ito at naging
integral na bahagi ng koda ng bushido at ng disiplinang samurai.

Ang hara-kiri ay literal na nangangahulugang “paghiwa sa tiyan.” Ito ay isang napakasakit na paraan ng
pagwasak ng sarili. Naging palasak lamang ito nang namayani na ang samurai bilang isang disiplina ng mga
mandirigma. Naging bahagi lamang ito ng kamalayan ng mga Hapones nang makilala nila ang mga turo ng
Budismo hinggil sa kalikasan ng buhay at ng glorya ng kamatayan.

Sa mga samurai, ang seppuku--- ito man ay iginagawad bilang parusa o sariling kusa upang maiwasan ang
kamatayan sa kamay ng mga kaaway--- ay walang pag-aalinlangang manipestasyon ng karangalan, katapangan
at katapatan ng mga Hapones.

Dalumatin Natin:

1. Alamin ang ibig sabihin ng bushido at samurai. Ano ang bahaging ginagampanan nito sa kasaysayan nga
mga Hapones?
2. Saliksikin ang proseso ng ritwal na hara – kiri: Sa iyong palagay, makatwiran ba ang paniniwalang ito ng
mga Hapones? Talakayin sa klase.
PATAY NA WIKA
WIKA

Isang epekto ng pagkakaroon ng mga dayalek o ang pagsplit ng isang wika ay ang pagkawala o pagkamatay
ng isang dayalek dahil hindi na nagagamit ito. Nawala ang pangangailangan ng komunidad para sa nasabing
dayalek. Gayundin ang isang wika sa isang multilinggwal na komunidad. Namamatay ang isang wika dahil
mayroon itong kapalit na wikang mas pinapaboran ng mga miyembro ng komunidad. Wika man o dayalek,
may iba’t ibang sitwasyon na hindi na gagamitin ang wika dahil wala nang pangangailangan. Maaaring
resulta ito ng paglilipat o maygrasyon ng mga grupo ng komunidad na tuluyang din a gumagamit ng dating
wika. Nadaig ito ng wika o dayalek ng nilipatang komunidad dahil sa dami ng nagsasalita o dahil sa mataas
na prestij (prestihiyo) nito. Sa madaling salita, kasabay ng paghiwa-hiwalay ng isang komunidad ang
pagkawala ng wika nito. Pwede rin itong mangyari kung magkakaroon ng ingresyon at dadagsaan ng mga
tagalabas ang isang komunidad. Kung mawawalan ng motibong gamitin ang varayti ng wika ng minoridad na
grupo, wika nito ang may panganib na mawala. Kapag nangyari ang alinman sa mga nabanggit na sitwasyon
sa isang wika at mawalan ito ng native speakers, sinasabing ito ay patay na wika.

Ang Latin, kahit mayroon pang natututo nito at ginagamit pa sa Simbahang Katoliko, wala itong native
speaker at hindi ginagamit na behikulo ng interaksyong sosyal. Dahil dito, hindi na nagkaroon ng pagbabago
na nagpapahayag ng pagbabago ng kapaligiran ng mga ispiker. Kaya patay na wika ang tawag sa Latin.
mula sa aklat nin Paz, Consuelo et.al, 2003”Ang Pag-aaral ng Wika”)

Dalumatin Natin:

1. Sa iyong palagay, possible bang mamatay ang wikang Filipino sa susunod na sampung taon?
2. Talakayin ang mga pamamaraan na maaaring gawin ng pamahalaan upang mapanatiling buhay ang
wikang Filipino.
ANG SPOLIARIUM NI JUAN LUNA
PAGPINTA

Ang Spoliarium ay ang kinikilalang obra maestra ng tanyag na Pilipinong pintor na si Juan Luna. Ipinasa niya
ito sa Exposicion Nacional de Bellas Artes noong 1884. Nagtamo ito ng gintong medalya.

Ginawa ang Spoliarium sa isang malaking canvass na may taas na apat na metro at mga lapad na pitong
metro.

Ipinakikita sa obrang ito ang ilalim ng arena ng mga Romano kung saan nangahandusay ang mga bangkay
ng mga talunang gladiator. Makikita rito na ang mga bangkay ay hinihila sa madilim na bahagi upang doong
pagpatong-patungin at saka itatapon. Sa kaliwang bahagi ay naroon ang mga nagmamasid (miron) na may
iba’t ibang ekspresyon. Habang sa dulong kanang bahagi naman ay isang babaeng gulanit ang damit at
nananangis. Makikita ang mga guhit pahalang sa mga dingding at sa mga taong nagmamasid. Dayagonal na
guhit naman ang makikita sa mga galaw ng mga lalaking humihila sa mga bangkay ng mga gladiator.

Makikita ang pamamayani ng kulay na pula lalo na sa gawing gitna kung kaya’t nakapupukaw ito ng
atensyon ng nagmamasid. Ang asul naman na damit ng babaeng nananangis ay kumukontra sa mapulang
mga damit ng mga gladiators.

Dalumatin Natin:

1. Talakayin ang implikasyon ng imaheng nabuo mula sa obra ni Juan Luna sa kasaysayan ng Pilipinas.
2. Pag – usapan sa klase ang mga kontrobersiyang kinasangkutan ng obra maestrang ito matapos ang
napakahabang panahon?
3. Hanapin sa internet ang artikulong “The Spoliarium: great painting, decent opera, nasty man”. Pag-
usapan sa klase ang mga puntong binanggit ng may akda.

Vous aimerez peut-être aussi