Vous êtes sur la page 1sur 4

Leksyon 4: Layunin ng Pananaliksik

May malaking kahalagahan ang pananaliksik sa tao. Sa pamamagitan ng pananaliksik ay


napaunlad ng tao ang kalidad ng kanyang pamumuhay. Kung titingnan ang kasaysayan ng
pamumuhay ng tao ay makikitang nagsimula siya sa paggamit ng bato bilang instrument ng
kanyang pananatili sa daigdig hanggang sa abutin niya ang kasalukuyang panahon ng
elektroniko at teknolohiya. Nakamit niya ang kasalukuyang mataas na antas ng pamumuhay sa
tulong ng pananaliksik.

Pangunahing layunin ng pananaliksik na mapaunlad ang kalidad ng buhay ng tao. Kaya


walang humpay sa pagsaliksik ang tao ay dahil gusto niyang isulong ang uri ng kanyang buhay.
Sinisikap niyang magkaroon ng kakayahan at kahandaang makagawa ng pananaliksik sa iba’t
ibang aspekto. Sa kasalukuyang panahon ay nalilinang ang kakayahan at kahandaang ito ng tao
sa larangan ng edukasyon samantalang siya’y nag-aaral pa. kahit sinong estudyante sa kolehiyo
ay maaaring magkaroon ng kakayahan at kahandaan sa pananaliksik. Mahalaga lamang na
magkaroon siya ng determinasyon at motibasyon para makagawa nito. Sinasabi nina
Constantino at Zafra (1997: 7-8) na may mga layunin o motibasyon upang makagawa ng
pananaliksik at ito ay ang mga sumusunod:

1. Tumuklas ng bagong datos at impormasyon. Nagbibigay ng bagong sigla at kasiyahan


ang makatuklas ng bagong impormasyong hindi alam bago pa gumawa ng pananaliksik.
Ang mg ideya at datos na nadidiskubre ay malaking kasiyahan para sa gumagawa ng
pananaliksik at nagkakaroon siya ng tinatawag na self-fulfillment o gratipikasyong
personal.
2. Magbigay ng bagong interoretasyon sa lumang ideya. Pwedeng tingnan ang isang ideya
mula sa ibang anggulo, perkspektiba at pananaw kaysa dati nang paraan ng pagtingin ng
iba rito. Bago pa rin ito kahit na dati nang alam ng marami ang paksa.
3. Maglinaw ng isang pinagtatalunang isyu. Maraming bagay ang pinagtatalunan, pinag-
uusapan at pinagkakainteresan sa komunidad, sa mga institusyon, at sa bansa.
Magandang gawan ng pananaliksik ito para makatulong sa paglilinaw ng bagay na ito.
Halimbawa, ang mga isyu tungkol sa aborsyon, diborsyo, at pakikisangkot ng simbahan
sagawain ng gobyerno ay paulit-ulit na napag-uusapan pero kailangan pa ring linawing
mabuti. Ang laganap ngunit itinatanggi ng nakaraang administrayon na malawakang
kurapsyon sa gobeyerno at ang lumolobong populasyong may malaking epekto sa
ekonomiya, lalo na sa pagkain, ay mga panibagong isyung nangangailangan ng masusing
pagtingin. At ito ay magagawa ng pananaliksik.
4. Manghamon sa katotohanan o pagiging makatwiran ng isang tanggap o pinapalagay
na totoo o makatotohanang ideya. Ang isyu ukol sa kabayanihan ni Bonifacio ay
nagiging paksa ng mga usapan, diskusyunan, hamunan, balitaktakan sa mga klasrum,
simposyum, radio, TV, magasin at dyaryo. Ang ganitong paksa ng mga pananaliksik ay
naghahamon sa mga tinatanggap at ipinapalagay na totoong ideya at siyang interes
ngayon ng mga mananaliksik. Isa pang dapat tingnan ay ang katotohanan ng palagay na
ang Pilipinas ay “third largest English speaking country.” Maganda itong gawing paksa sa
pananaliksik upang mapatotohanan o kaya ay mapasubalian.
5. Magpapatunay na makatotohanan o balido ang isang ideya, interpretasyon,
paniniwala, palagay o pahayag. Balido o totoo ang isang ideya kung ito’y
mapatutunayan o mapasusubalian ng mga makatotohanang datos. Puwedeng
patunayang balido o totoo sa pamamagitan ng pananaliksik ang paniniwalang hindi
nabibigyan ng sapat na atensyon at suporta ang isports sa ngayon kumpara noong 20-30
taong ang nakaraan. Lahat ito ay mapatutunayan sa pamamagitan ng pananaliksik.
6. Magbigay ng historical na perspektiba para sa isang senaryo. May mga ideyang
makabuluhan tingnan o suriin sa hinaharap o kinabukasan nito. Ngunit sa pagtukoy at
pagsususri dito ay kailangan ang pananaliksik sa kasaysayan nito. Halimbawa, sa
pagtalakay sa kahihinatnan ng kapaligiran bunga ng modernisasyon, kailangang saliksikin
ang mga datos ng mga pagsasayang, pagsasawalangbahala, at pag-aabuso ng tao sa
kalikasan mula noong unang panahon hanggang sa kasalukuyan.

Leksyon 5: Gamit ng Pananaliksik sa Lipunang Pilipino

Hindi lamang sa ekwelahan ginagamit o ginagawa ang pananaliksik, siyempre, bilang


estudyante sa kolehiyo, karaniwang gawain ang sulating pananaliksik o panahunang papel bilang
pagsasanay sa pananaliksik. Pero maraming gamit ang pananaliksik at ito ang ilan (Constantino
at Zafra, 1997:9-12)

1. Sa pang-araw-araw na gawain – karaniwang ginagawa ito ng ordinaryong indibdwal sa


kanyang pang-araw-araw na buhay. Halimbawa, hindi iilaw ang bombilya sa kwarto
kapag binuksan mo ito. Maaaring ang unang papasok na ideya sa isip mo ay pundido ang
bombilya. Ngunit maaaring ang dahil ay hindi ito pundido kundi maluwag lamang ang
pagkakakabit o kaya ay sira ang swits o maaaring walang kuryente sa inyo. Kaya
kailangan mong gumawa ng pagpapatunay, paglilinaw, pagpapatibay, pagpapasubali o
pagdaragdag ng kaalaman upang matiyak mo ang tunay na dahilan.
2. Akademikong gawain – dito kadalasang pinag-aaralan ang paggawa ng pananaliksik kaya
inaakala ng marami na sa akademya lamang ito nauukol. Para sa mga nag-aaral pa,
tinatawag na sulating pananaliksik o panahunang papel (term paper) ang bunga ng
gawing ito. Sa mga magtatapos, tinatawag itong tesis o kaya ay disertasyon.
May iba’t ibang format at metodolohiya ang pananaliksik, depende sa larangan o
disiplinang pinag-aaralan. Para sa karaniwang kurso, ang mga pangkalahatang kaalamang
simple lamang ang talakayan.
3. Kalakalan/Bisnes – bago pumasok sa isang bisne, karaniwang gumagawa muna ng
feasibility study upang malaman ang potensyal sa market at tubo at sa ikatatagumpay ng
bisnes na pinasok. Titingnan dito ang clientele o mamimili, lugar, uri ng produktong
ipinagbibili, atbp. sa gayon ay maiiwasan ang sobra o walang makabuluhang paggasta,
pagkalugi at pagsasayang ng oras at pagod.
4. Sa iba’t ibang institusyong panggobyerno – para sa serbisyong panlipunan, ang mga
opisina o institusyong panggobyerno ay nagsasagawa ng pananaliksik para sz kani-
kanilang pangangailangan. Sa kalusugan, halimbawa, ang mga pananaliksik ng
Depatamento ng Kalusugan ukol sa mga karaniwang sakit gaya ng tuberculosis, hika,
polyo at mataas na presyon ng dugo ay tumutulong sa paggamot at pagsugpo ng mga
ito. Sa pagsasaka, gumagawa ng pananaliksik ang Depatamento ng Agrikultura sa mga
varayti ng palay upang mapaunlad ang pagsasaka at ani ng bansa. Ganoon din ang
ginagawa ng iba pang mga ahensya ng pamahalaan. Kailangan nilang mananaliksik upang
mapaunlad ang kanilang serbisyo publiko.
5. Mga institusyong pribado at di-gobyerno – dumarami ang pribadong institusyon (gaya
ng mga pribadong eskwelahan o mga negosyong pribado), mga nagsasagawa ng mga
pag-aaral sa kapaligiran, etnikong grupo, kababaihan, at iba pa. ang nagsasagawa ng mga
pag-aaral na ito ay nagsisilbing suporta at tulong sa gobyerno at mga mamamayan.

Leksyon 6: Uri ng Pananaliksik Ayon sa Layunin

Maraming uri ang pananaliksik na naklasipika ayon sa kanilang mga katangian (Calderon,
1993; Zulueta & Costales, Jr., 2003; Calmorin &Calmorin, 1995; Manlapaz at Francisco, 2005).
Ang mga pangunahing katangiang ito ay maaaring dahilan at layunin, antas ng imbestigasyon,
uri ng analisis, lawak, mga sagot sa katanungan, nilalamang istatistika, at iba pa. ang ibibigay sa
aklat na ito ay ang mga pananaliksik o riserts na ang kategorya ay ayon sa kanilang mga layunin
upang medaling maunawaan ang kanilang uri.

May limang uri ng pananaliksik ayon sa kanilang mga layunin: 1. Purong riserts; 2. Aplayd
riserts; 3. Teknikal o bisnes riserts; 4. Riserts pangmerkado; at 5. Iskolarli o akademik riserts.

1. Purong riserts – ito ang uri ng pananaliksik na ang pangunahing layunin ay makadagdag
ng bagong kaalaman sa dati nang alam ng tao kahit na sa kasalukuyang pagtingin ay wala
pa itong kabuluhan. Karaniwang ginagawa ang pananaliksik na ito sa loob ng laboratory
o kaya’y sa isang sasakyang pangkalawakang ginagamit sa malalimang pagdalumat sa
misteryo ng sansinukob.
2. Aplayd riserts – ito ang uri ng riserts napraktikal na ginagamit at inaaplay na ang mga
nadiskubre o nateorya ng tao bilang resulta ng pananaliksik sa laboratoryo. Halimbawa,
ang mga nadiskubre tungkol sa katangian at uri ng mga kemikal na makikita sa plastic ay
nagreresulta na sa paggamit uli o resiklo ng mga basura o plastic upang makabuo ng
bagong produkto na magagamit uli ng tao at makalilinis sa paligid.
3. Teknikal o bisnes riserts – ito ay isang uri ng aplayd riserts ng gingamit ng mga taong
dapat gumawa ng mga desinyong praktikal upang mapaunlad ang kalakal o ekonomiya.
Ang mga bagong disenyo ng kotse o impraistruktura, halimbawa, ay mga benepisyo ng
teknikal na pananaliksik.
4. Riserts pangmerkado – ito ang uri ng pananaliksik na ibinabatay sa kagustuhan ng
mamimili bago maglaan ng capital para sa isang uri ng produkto. Ang mga halimbawa
rito ay ang mga pagbabangkong gamit ang mga ATMs, drive-in service ng mga fast foods
o iba’t ibang modelo ng mobile phone o mas popular sa tawag na selfon.
5. Iskolarli o akademik riserts – ang tuon ng pananaliksik na ito ay ang pagtipon ng mga
materyales na nakikita na at nasa paligid lamang. Ang mananaliksik ay magbubuod o
maglalahat ng mga ideya o kaya ay titingnan ito mula sa ibang perspektiba na kaiba sa
pagtingin ng ibang nauna sa kanyang gumawa ng pag-aaral dito. Ginagawa ito ng inyong
mga titser kung sumusulat sila ng mga artikulo o papel para sa dyornal o personal na
pagsasalita sa mga seminar o furom. Ito rin ang ginagawa ng estudyante para sa kanilang
panahunang papel.

Samantala, si Silapan ay nagbigay ng dalawang uri lamang ng pananaliksik (1989:176-177):

1. Makaagham o sayantifik
2. Pampanitikan o literari

Makaagham o sayantifik na pananaliksik ay mahalagang aktwal na makuha ang mga


katunayan o datos at aktibong gumawa ng mga bagay-bagay na makatutulong sa pagtuklas
sa nais patunayan. Dito ay kailangang may haypotesis ang mananaliksik at masinsinang
magtrabaho at gumawa ng eksperimento upang patunayan o pabulaan ito. Karaniwang
ginagamit ang pamamaraang indaktibo o pabuod.

Ang literari o pampanitikan ay mas payak at ito ang karaniwang ginagamit sa kolehiyo. Hindi
kailangang mag-eksperimento sapagkat ang mga gagamiting materyales ay yaong nasaliksik
nan g iba. Sa medaling sabi, handa na ang mga kakailangan at kokolektahin na lamang ang
mga ito, masusing pag-aaralan, lohikal na aayusin, at kritikal na pahalagahan.

Vous aimerez peut-être aussi