Vous êtes sur la page 1sur 6

Ang hindi umiinog na mundo

Malayo ang tingin ni Andres. Bawat tanawin na nadaraanan ng bus patungong Maynila
ay kanyang kinikilatis. Limang oras ang biyahe mula sa probinsyang kanyang pinanggalingan
kung saan siya lumaki. Ang mga sulyap sa bawat daan ay hindi nangangahulugan ng kasiyahan
sa kanyang puso. Sa bawat tingin niya ay iba ang nilalaman ng kanyang isip. Yoon ay kung
paano muli siya magsisimula. Maraming pumapasok sa kanyang isipan kaya’t hindi niya
namalayan ang pagtawag ng konduktor ng bus.

“Iho, mukhang ang lalim ng iniisip mo,” wika ng lalaki.

Napabalikwas na lamang si Andres nang marinig niya ang lalaking nagsalita.

“Hindi naman po manong,” mahinang sagot ni Andres.

“Alam mo kasi iho, ang buhay hindi ibinigay para sa atin para lamang maging masaya.
Ginawa iyan upang marami tayong mga bagay na matutunan at problemang malagpasan. Parang
gulong, minsan nasa ibaba, minsan naman nasa itaas,” paliwanag ng lalaki habang binabalasa
ang ticket ng mga pasahero.

Napukaw ng lalaki ang isip ni Andres. Napaisip ito ngunit halatang blangko pa rin ang
kanyang mukha.

“Dalawangdaang piso,” sambit ng matanda.

Kinuha ni Andres ang pera niya at iniabot ito sa konduktor.

Dalawangdaan at limampung piso lamang ang dalang salapi ni Andres. Kaya naman
limampung piso na lamang ang naiwan para sa kanya.

Hindi nito alintana ang gutom sa biyahe. Hindi rin siya kumain ng almusal.

Papaalis na ang konduktor sa tapat ni Andres ng muling magsalita si Andres.

“Kailanman, hindi ko naramdaman na parang gulong ang buhay kaya’t hindi ninyo ako
masisisi. Hindi ko nararamdaman na umiinog ang mundo,” walang emosyong sabi ni Andres.

“Iho, bata ka pa nga talaga,” mahinahong sagot ng matanda habang tinatapik ang balikat
ni Andres. Matapos ito’y nagtungo na sa harapan ang konduktor malapit sa drayber ng bus.

Mababakas sa mukha ng lalaki ang pag-aalala kay Andres. Dahil hindi man niya ito
kilalang mabuti ay nakikita niya ang kanyang sarili sa kanya noong mga panahong nawawalan na
siya ng pag-asa sa buhay.
Nagpakawala ng buntong-hininga si Andres. Hindi maikakaila na naapektuhan siya sa
sinabi ng konduktor. At dahil doon, muli na namang bumalik ang mga alaala na gustong-gusto
niyang kalimutan.

Panganay si Andres sa tatlong magkakapatid. Parehong babae ang sumunod sa kanya.


Bata pa lamang ang kanyang mga kapatid ay pumanaw na ang kanyang ama, ngunit para sa
kanya, sariwa pa rin ang sugat na iniwan nito para sa kanilang pamilya. Masakit para sa kanya na
mamatay ang kanyang ama ng wala man lang siyang nagawa. Dahil sa kapos sila, hindi
nagawang dalhin ito sa ospital at doon ipagamot. At ang mas masakit, kitang-kita ng dalawa
niyang mata kung paano nalagutan ng hininga ang kanyang ama. Mula noon, nawalan na ng pag-
asa si Andres na magiging maayos din ang kanilang buhay. Matanda na rin ang kanyang ina,
kaya naman napilitan si Andres na tumigil sa pag-aaral upang sa gayo’y siya ang magtrabaho
para sa kanilang pamilya. Noong hindi pa pumapanaw ang kanyang ama, kahit paapano,
nakakakain sila ng tatlong beses sa isang araw. Kahit madalas silang kapos, patuloy pa rin ang
pagtakbo ng buhay ngunit malaki ang naging pagbabago nang mawala ito.

Iba’t-ibang klase ng trabaho ang pinasukan ni Andres. Ngunit maliit lamang ang kanyang
kinikita at animoy hindi pa sapat pambili ng ulam ng kanilang pamilya. Tuwing dumadaan ang
mga barkada ni Andres ay pinagtatawanan siya nito. Hindi na lamang niya pinapansin ang
ganitong bagay sapagkat aksaya lamang ng oras at panahon. Makalipas ang ilang linggo ay muli
na namang sinubok ang kanilang pamilya. Nagkasakit ng malubha ang kanyang ina dahilan para
magdesisyon siya na makipagsapalaran sa Maynila.

Unti-unti nang nauubos ang sakay ng bus na sinasakyan niya, ngunit patuloy pa rin siya
sa pag-iisip. Kung saan siya bababa. Kung saan niya sisimulan ang buhay sa Maynila. Unang
beses niya rito sapagkat sa probinsyang kanilang tinitirhan ay malapit sila sa kabundukan.

“Ganito pala ang buhay sa Maynila,” bulalas ni Andres sa kanyang sarili.

Sa huling pagkakataon ay naalala niya ang kanyang pamamaalam sa kanyang mga


kapatid.

“Kuya, kailangan ba talagang pumunta ka pa ng Maynila? Ititigil nalang namin ang


aming pag-aaral para matulungan ka namin na magtrabaho,” wika ni Lucia, pangalawang kapatid
ni Andres.

“Oo nga kuya, tama si Ate Lucia, tayo na nga lang yung nandito, magkakahiwalay pa
tayo,” sagot ni Cory, bunsong kapatid ni Andres.

“Ayaw ko rin naman sanang umalis. Pero alam niyo naman siguro yung nangyari kay
tatay. Ayokong mangyari rin yun kay nanay. Ayoko na wala akong magawa para iligtas siya. Oo,
dito sama-sama tayo pero wala namang nangyayari. Nakakapagod na rin yung buhay na puro
nalang problema. Tsaka, huwag kayong titigil sa pag-aaral. Iyon na nga lang yung bilin ni tatay
bago siya pumanaw. Ayokong mapunta lamang sa wala ang lahat. Kayong dalawa, mag-aral
kayong mabuti. Alagaan niyo si nanay. Magpapadala na lamang ako ng pera kada linggo,”
paliwanag ni Andres.

Mahirap man para sa kanila ay kailangan nilang makipagsapalaran, kailangan may


magsakripisyo.

“Mag-iingat ka sa Maynila Kuya. Malalampasan din natin ito, magtiwala ka lamang,”


iyon na lamang ang nasabi ni Lucia at kanyang minasdan ang likod ng kapatid na unti-unting
lumalabo. Nangangahulugan na hindi iyon isang panaginip.

Nang mawala na sa kanyang paningin ang kapatid ay minasdan niya ang kanyang ina na
mahimbing na natutulog sa papag. Hindi na ito makabangon at hindi na rin makapagsalita ng
mabuti. Halatang hirap na hirap ang kanyang ina pero nararamdaman niyang patuloy itong
lumalaban.

Napatigil sa pag-iisip si Andres ng tumawag ang konduktor na nasa terminal na. Dali-
daling bumaba si Andres. Naglakad-lakad siya, hindi niya alam kung saan siya dadalhin ng
kanyang mga paa. Nakaramdam na rin siya ng gutom. Kaya naman ng may nakita siyang
karinderya ay huminto na siya rito. Halagang limampung piso ang pinakamurang pagkain sa
karinderya. Ngunit wala siyang pakialam, ang mahalaga ay makakain siya.

Matapos iyo’y agad siyang tumayo at nagtanung-tanong sa mga taong nakakasalubong


niya.

Napahinto siya sa isang botika na may nakapaskil na nangangailangan sila ng tauhan.


Agad nagtanong si Andres sa may-ari ng botika.

“Magandang tanghali po. Nakita ko po na nangangailangan kayo ng tauhan para sa


botika, maaari po ba akong mamasukan, kailangang-kailangan ko po kasi talaga ng trabaho,”
nagmamakaawang sabi ni Andres.

“Iho, nakatapos ka ba ng sekundarya? At ilang taon ka na ba?” tanong ng babae.

“Labingwalong taong gulang na po ako. Pero huminto po kasi ako ng pag-aaral nang
mamatay ang aking ama, kaya’t hindi ko na nayari ang aking pag-aaral sa sekundarya pero
marami na po akong pinasukang trabaho,” sagot ni Andres.

“Pasensya ka na iho, sa panahon kasi ngayon, mas maganda na yung may pinag-aralan
ang kukuhanin namin, malay ko ba kung isa ka pala sa mga gang dito sa Maynila. Kaya hindi
kita maaaring tanggapin. Subukan mo nalang sa iba,” paliwanag ng may-ari ng botika.

“Ganoon po ba, sige po. Maraming salamat,” wika ni Andres.


Sinubukan ni Andres na maghanap pa ng trabaho ngunit tila hindi talaga umaaayon ang
pagkakataon sa kanya. Lahat ng pagtanungan niya ay hindi siya tinatanggap.

Inabot na ng hapon si Andres sa paghahanap ng trabaho. Naisipan niyang umupo na


lamang. Nakaramdam na rin siya ng matinding pagod dahil na rin sa init ng panahon.

Napakamot na lamang siya sa kanyang ulo. Dahil sa tuwing naaalala niya ang mga
nangyari sa kanilang pamilya ay hindi niya mapigilang magalit sa mundo. Naisip rin ni Andres
na kakaiba ang pamumuhay sa syudad. Mahirap makipagsapalaran lalo na at walang
kasiguraduhan ang kanyang buhay sa Maynila. Hindi pa nga niya alam kung saan siya titira.
Kahit isa ay wala siyang kakilala rito. Kahit piso ay wala siya.

“Ano bang klaseng buhay ‘to, puro nalang kamalasan. Hindi ba pwedeng kahit ngayong
araw man lamang ay iparamdam na may swerte pa rin,” iyon na lamang ang nasabi ni Andres sa
kanyang sarili.

Ang pag-iisip ni Andres ay nahinto ng makarinig siya ng putukan ng baril. Malakas ito
nangangahulugan na malapit lamang ito sa kanyang kinauupuan. Maya-maya ay mayroong
lalaking papalapit sa kanya, may hawak itong baril.

Kinabahan si Andres, sa unang pagkakataon ay ngayon lamang siya nakaranas ng mabilis


na pag-akyat ng dugo patungo sa kanyang ulo. Parang tinatambol ang kanyang puso sa sobrang
lakas ng tibok.

“Sige, lumapit kayo sa akin at papatayin ko ang lalaking ito,” wika ng lalaki na may
hawak na baril.

Marami ng taong nakapaligid sa kanila pati ang mga pulis ay nandoon din.

Ngunit si Andres nakatitig lamang sa lalaking hawak ng kriminal. Kabado siya ngunit
hindi niya ito ipinapakita. Malapit lamang siya sa dalawa. Kaya naman ang mga tao ay
naghihintay kung ano ang gagawin ni Andres sapagkat kalamado lamang ito.

Ilang saglit pa ay naagaw ni Andres ang baril mula sa lalaki at nahuli ng mga pulis ang
kriminal. Humanga ang mga tao sa katapangang ipinakita ni Andres. May mga reporters na
dumating upang alamin ang tunay na nangyari at napag-alamang nagnakaw ang kriminal at
hinabol lamang ito ng lalaki na may-ari ng bag.

Papaalis na sana si Andres mula sa maraming tao ng marinig niyang may tumawag sa
kanya kaya napahinto siya.

“Iho, maraming salamat sa iyo. Kung hindi mo siguro ginawa iyon ay baka
pinaglalamayan na ako dito ngayon,” wika ng lalaki.
“Wala po iyon. Ang totoo po niyan kinabahan talaga ako kanina pero pinilit kong
ipakitang wala lang sa akin ang nangyari. Magulo po pala talaga sa Maynila,” sagot ni Andres.

“Bakit, unang beses mo ba rito sa Maynila,” pagtatanong ng lalaki.

“Opo. Makikipagsapalaran nga po sana ako, kaso malas po talaga ako sa buhay kahit saan
ako mapunta. Sayang lamang ang pagpunta ko dito sa Maynila,” sambit ni Andres.

“Iho alam mo, kahit saan naman tayo magpunta mahirap makipagsapalaran. Pero ang
mahalaga ay hindi ka kaagad sumusuko. At hindi totoo ang malas, sadyang may mga bagay lang
talagang nangyayari na hindi maganda pero may dahilan kung bakit nangyayari yoon,” sagot ng
lalaki.

“Hindi ko po nararamdaman na umiinog ang mundo. Pero kahit ganoon ang pananaw ko
sa buhay, may parte pa rin na umaasa ako na darating din yung araw na mararamdaman ko ang
paggalaw ng mundo,” wika ni Andres.

“Tama ka. Siguro ito na yung pagkakataon na hinihintay mo iho,” masayang sabi ng
lalaki.

Nagtaka si Andres. “Ano pong ibig ninyong sabihin?”

“Nakikita ko na mapagmahal kang anak at mabuti kang tao, kaya naman


napagdesisyunan ko na bibigyan kita ng trabaho,” paliwanag ng lalaki.

“Talaga po? Naku, maraming salamat po, pangako ko po na gagalingan ko,” sagot ni
Andres.

Naisakatuparan ang lahat ng pangako ni G. Marcelo Ramirez, may-ari siya ng mga book
stores na pinapasukan ni Andres. Mayaman si G. Ramirez at kilala ito sa pagtulong sa mga
kabataan na kapos sa pera at nangangailangan ng trabaho.

Lumipas ang isang taon, naging maganda ang takbo ng buhay ni Andres.
Nakapagpapadala siya ng sapat na pera para sa gamut at sa pag-aaral ng kanyang mga kapatid.
Gayundin, nakabalik na siya sa pag-aaral. Habang nagtatrabaho sa umaga ay nag-aaral siya
pagsapit ng gabi.

Patuloy ang ganitong proseso ng buhay ni Andres. Hanggang sa makatapos siya ng pag-
aaral sa kolehiyo sa kursong BS in Accountancy sa Polytechnic University of the Philippines.
Lahat ng pawis at pagod, lahat ng pagtitiis at pagtitiyaga, lahat ng iyo’y nagbunga ng magandang
resulta.

Natanggap na rin ni Andres ang pagkamatay ng kanyang ina sapagkat ito’y matanda na
rin at hirap na sa kanyang sakit. Ginawa niyang inspirasyon ang kanyang mga magulang na
laging nakamasid sa kanilang magkakapatid. Ang dalawa niyang kapatid ay parehong nasa
kolehiyo na kanyang pinapasukan. Nang pumanaw ang kanilang ina ay napagdesisyunan niya na
silang magkakapatid ay magsama-sama na lamang sa Maynila. Hindi naman dito tumutol si G.
Ramirez at patuloy siyang tinulungan hanggang sa maabot niya ang kanyang kinalalagyan
ngayon.

Habang naglalakad ay nadaanan niya ang kalye kung saan siya umupo noong unang
dating niya sa Maynila. Dito nagsimula ang lahat. Dito rin nagsimula ang pagbabago ng kanyang
buhay. Dito siya sumuko at dito rin siya nabigyan ng panibagong pag-asa. Pag-asa na balang
araw ay mararamdaman din niya ang pag-inog ng mundo. At hindi nga siya nagkamali na
sumubok. Sapagkat lahat ng kanyang pinagdaanan ay may dahilan. Mga pagsubok na bumuo sa
kanyang pagkatao at nagpatibay sa kanyang kakayahan. Dito niya nalaman ang kahalagahan at
tunay na kahulugan ng buhay. At dito nag-ugat na ang pagsisikap niya at pagtitiis ay may
kaakibat na biyaya.

“Ang buhay talaga ng tao ay parang gulong,” sambit ni Andres at nagpatuloy na sa


kanyang paglalakad.

Vous aimerez peut-être aussi