Vous êtes sur la page 1sur 1

Kultura ng Pilipino sa Puso ng Luxian

Ang kultura ay sumasalamin sa kaluluwa at pagkakaki-lanlan ng isang bansa.


Sa Pilipinas na may ibat-ibang wika, pangkat-etniko, tradisyon, at iba pang aspekto
ng kultura, nararapat na atin itong ipagmalaki, ingatan at pahalagahan. Ang
pagkakaroon ng isang mayabong na kultura ay isang tatak ng maunlad na lipunan.
Lipunan na may mga dakilang ambag sa literatura, musika, sayaw at iba pang mga
pang-kultural na larangan. Lipunan na nagluwal sa mga dakilang mamamayan
kagaya nina Rizal, Baltazar, Luna at marami pang iba. Sila ang mga dakilang
Pilipino na ginamit ang ibat-ibang larangan kagaya ng pagsulat at pagpipinta sa
paglaban sa mga Kastila at nagmulat sa lipunang Pilipino na maniwala sa kanilang
mga sarili.
Sa panahon ng malawakang globalisasyon na narananasan natin ngayon, ang
pagpapahalaga sa kulturang Pilipino ay kailangang pagtuunan ng pansin ng buong
sambayanan. Bunga ng nasabing pagbabago, mas nakatuon ang atensyon ng
napakaraming kabataan ngayon sa kultura ng ibang mga bansa kagaya ng United
States at South Korea. Ang pagiging interesado sa mga ibat-ibang kulturang banyaga
ay hindi masama ngunit nagiging masama ito kung nakakalimutan at napapabayaan
na natin ang kulturang Pilipino dahil sa pagkahumaling sa kulturang banyaga. Bilang
isang Luxian, aking pinahahalagahan ang pag-aaral at pagpapayabong ng kulturang
Pilipino lalo na sa mga asignatura kung saan natatalakay ang kalinangan at
kahalagahan ng wika, tradisyon, kasuotan, relihiyon, musika, literatura at iba pang
mga salik ng isang mayabong na kulturang Pilipino.
Sa modernong panahon kung saan ang mga kabataan ay nalilibang sa ibat-
ibang mga bagay, kinakailangan na magkaroon ng masidhing pag-aaral at
pagpapahalaga ng kultura ng Pilipinas. Bilang isang Luxian, malapit sa aking puso
ang pagsali sa mga gawain sa ating sintang paaralan na naglalayon na pagyamanin
at palakasin pa ang pagmamahal ng bawat kabataang Pilipino sa kanyang kultura.
Nawa’y ang mga gawain na lumilinang sa pagmamahal ng kabataan sa paggamit ng
kulturang Pilipino ay lalo pang lumaganap. Modernong balagtasan, pagsulat ng
maikling kwento at sanaysay, katutubong sayaw, at pagpipinta ay ilan lang sa mga
halimbawa na maaring gawin sa paglinang ng ating kultura.
Ang mga kabataan ay hinahamon ng pagkatataon na mahalin at pahalagahan
ang kultura ng Pilipinas upang ito ay manatili at magamit pa ng mga susunod na
henerasyon. Ang kultura ay sumasalamin sa ating nakaraan, kasalukuyan at
hinaharap bilang isang nagkaka-isang lipunan. Ang tuluyang pagsasawalang bahala
nito ay magdudulot ng ibat-ibang suliranin na makakasira sa ating pagkakakilanlan
bilang mga Pilipino. Tayo, bilang mga mag-aaral ng ating sintang paaralan ay
kinakailangang ipagpatuloy ang pagmamahal sa ating kultura upang maiwasan ang
mga nasabing mga suliranin. Tayo ba ay titindig sa nasabing hamon?

Vous aimerez peut-être aussi