Vous êtes sur la page 1sur 13

SIYETE PALABRAS

JENNIFOR L. AGUILAR

SIETE PALABRAS Namimilipit na mula sa pagkakahagupit, at halos wasak na ang buong kalamnan nang ipabuhat sa kaniya ang napakabigat na krus na maghahatid sa kaniyang kamatayan. Dinusdusta pat dinuduraan ng mga taong nakahambalang sa kaniyang daraanan. Di-alintana ang sakit ng katawan at sakit ng mga salitang paulit-ulit na sa kanyay ibinubulyaw. Pagsapit sa bundok ng Kalbaryoy dooy ipinako, Dito niya ibinulalas ang mga katagang bumago sa buong sangkatauhan Unang Wika:
Ama, patawarin mo sila; sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa
Lucas 23:34

Kumakabug-kabog ang dibdib habang patalbug-talbog sa mga batu-batong kalsada ang sinasakayang tricycle paakyat sa bulubundukin ng Sierra Madre. Patungo pa lamang kami sa Mascap, ang pinakapaanan ng bundok na tatahakin papaakyat. Hindi ko mapaniwalaang makapagpapatakbo nang ganoon katulin ang mga tricycle driver sa kabila ng napakaraming naglalakihang bato sa kalsadang aming tinatahak. Hindi ko na mabilang kung ilang untog ang inabot ko pero isa lang ang tiyak ko patay nang lahat ng kutong naninirahan sa ulo ko dahil sa natiris na ito sa mayat mayang pagkakaumpog. Hindi ang tulin ng tricycle ang dahilan ng kaba kundi ang takot sa kaligtasan ng labindalawang estudyante na lakas-loob na sumama sa akin upang makapaghatid ng tulong sa mga Dumagat sa Puray, Montalban, Rizal. Wala kasi kaming dala-dalang permiso o pahintulot mula sa aming pamantasan or in short, hindi kami nabasbasan o napayagang gawin ito (anumang kadahilanan meron sila ay hindi ko maintindihan). Ngunit dahil sa mapilit at gustung-gustong makatulong sa mga kapatid nating mga Dumagat ay itinuloy pa rin namin ang misyong makapaghatid ng tulong-edukasyon sa kabundukan. Biru-biruan naming tinawag na BUWIS-BUHAY Outreach Program ang lakad na ito, dahil hindi namin alam kung makababalik pa kami ng buhay. Nasa pagitan kami ng dalawang nagbabanggaang pwersa na maaaring makapagpahamak sa amin. Una, dadaan sa dalawang kampo, kampo ng mga sundalo at kampo ng mga pulis. Dito pa lamang ay malaking suliranin na ang kinakaharap sapagkat katatapos lamang mapakawalan ng MORONG 43 na napagbintangang mga rebelde o NPA, bukod pa sa kilala ang aming pamantasan na lungga o taguan ng mga rebolusyonaryo sa Kamaynilaan. Ayon pa nga sa ibinulong sa akin, sa bawat sampung rebeldeng napapatay sa bulubundukin ng Sierra Madre, tatlo roon ay may rekord na nag-aral sa aming pamantasan. Paano na kung mapagkamalan din kaming mga rebelde? Pananagutan ko ang buhay ng mga kabataang ito sa kanilang mga magulang bukod pa sa nakataya ang propesyon ko na siyang tanging ipinambubuhay sa aking pamilya. Ikalawa, kung makalusot man sa mga pulis at sundalo, isa na namang malaking suliranin ang mga rebelde pagdating sa itaas ng kabundukan. Paano kung mapagkamalan naman kaming mga Intel o espiya ng gobyerno at nagkukunwari lamang na nagbibigay ng tulong sa mga Tribu-Dumagat? Mas malaki-laking problema ito, kasi, sa mga sundalo at pulis ay maaari pa kaming mabuhay, maipaglaban ang
Page 1 of 13

SIYETE PALABRAS

JENNIFOR L. AGUILAR

aming kaso at makalaya gaya ng nangyari sa MORONG 43, ngunit sa kamay ng mga NPA, hindi ko alam kung ano ang aming kahihinatnan. Ang dami pa man ding mga kwento ng karahasan na narinig ko na may kaugnayan dito. Paano kung magahasa ang mga babae kong estudyante o kayay ratratin kami ng kanilang mga baril? Hala, kawawa naman ang mga taong umaasa sa akin. Sa kabila ng takot, itinuloy pa rin namin ang paglalakbay, pananalig na lamang sa Dakilang Lumikha ang panghahawakan at ang malinis na hangaring makatulong sa mga nangangailangan sa kabundukan. Ilang supot lamang ng biskwit ang aming dala-dala, at tiglilimang set ng mga Modyul ng Alternative Learning System na pinag-ambag-ambagan ng mga estudyante ko at pinaghirapang i-ring-bind sa loob ng tatlong linggo. Oo, hindi ka nagkamali ng pagkakabasa, mga modyul nga ang aming ibibigay hindi pagkain. Napagkasunduan kasi ng buong klase na ito ang ibigay dahil ito ang tulong na higit nilang kailangan. Naniniwala kasi kami sa sinabi ni Lao Tzu na: Bigyan mo ng isda ng tao, tinulungan mo siyang mabuhay para sa isang araw, Turuan mo kung paano siya mangisda, ay tinulungan mo siya nang panghabambuhay. Edukasyon ang magsisilbing sandata nila at panlaban sa karalitaan. Kahit papaano kasi ay may magandang silbi ang programa ng gobyerno na Aternative Learning System, dahil sa hindi pormal na anyo ng edukasyon, madadala mo sa kabundukan ang kaalamang kinakailangan ng ating mga kapatid na katutubo. Nakahanap na rin kami ng mga taong may katulad na hangarin, isa sa mga grupo na nagnanais na magturo sa mga katutubo na Trigo para sa Tribu Ministry. Sila ang magtuturo sa mga katutubo samantalang kami naman ang magbibigay ng mga materyales na kanilang kakailanganin. Heto na nga, matapos ang kulang-kulang isang oras na biyahe sa tricycle at mabilang ang mga pasa at bukol na aming inabot, uumpisahan na naming maglakbay papaakyat ng kabundukan. Sa buong pag-aakala ko ay kakaunti lamang ang naninirahan sa Mascap ngunit nagkamali ako, napakaraming kabahayan ang nakatayo rito at may mga negosyo at tindahang naririto, at batay na rin sa pagtatanung-tanong, ito pala ang nagiging sentro ng kalakalan ng mga taong nanggagaling sa kabundukan. Dito nila ibinebenta ang mga produktong uling, gulay at iba pa. Habang naglalakbay papaakyat, may mangilan-ngilang mga bahay kaming nadaanan ngunit malalayo na ang pagitan nito sa iba. Habang nakatanaw papaitaas ng bundok dahil sa kagustuhang makarating kaagad, may natanaw ako sa kalayuan na animoy malaking tao, o doble ng laki ko na papasalubong sa amin. Pilit kong inaaninag ang anyo dahil nagtataka ako na may mga higante pala sa lugar na ito. Sinabi ko ito sa mga estudyante ko at tiningnan rin nila, pilit din nilang inaninag ang tinutukoy ko, ngunit di pa man din namin natatanaw nang tuluyan ay inunahan na kami ng aming guide. Hindi po malaking tao yan. May pasan-pasan po siyang mga sako ng uling kung kayat ganyan kataas. Ay, ganoon ba? Nang makalapit-lapit ang aming kasalubong ay nakita ko nga na puro sako ng uling ang kaniyang pasan-pasan. Limang sako ng uling na kayang-kayang pasanin ng isang lalaking hindi naman ganoong kalaki ang katawan. Hindi ako makapaniwala, limang sako? Dalawa rito ay nasa likuran niya na parang back pack, dalawa sa may bandang balikat at yung pinakamataas ay nasa ulunan niya. Napakahusay ng pagkakasalansan sa kaniyang katawan ng mga sako ng uling at mabilis pa niya itong naipapasan papaibaba ng bundok. Ito pala ang isa sa kanilang pinagkukunan ng ikabubuhay. Binebenta nila ang mga ito sa mga tindahan sa Mascap
Page 2 of 13

SIYETE PALABRAS

JENNIFOR L. AGUILAR

sa halagang P130.00 isang sako. Nakatutuwa na ring isipin, dahil magkakaroon siya ng P650.00 kapag naibenta ang kalakal. Ngunit hindi pa raw sigurado iyon, kasi, mas madalas na sinasabi ng pinagbebentahan nila ng uling na wala pang perang pambili kung kayat pinababalik na lang sila. Nakalulungkot isipin ang bagay na yun ha, naisip ko. Yung apat na oras na pagpasan ng uling pababa, tapos pagdating doon, walang bibili? Iaakyat niya ulit yung uling? Tanong ko. Hindi na po, sagot ng kausap ko, iiwanan na niya doon at babalik na lang kapag may pera na yung bibili o kaya naman ay papayag na siya na palitan na lang ng mga delata at ibang produkto ang dala niyang uling, Ganon? sabi ko. Abay sobra namang mga mangangalakal yan! Tutubo na nga sila sa uling, may tubo pa sila sa mga delatang ipinalit nila. Magaling na negosyante ang mga taga-Mascap ah! Kunsabagay, walang magagawa ang mga katutubo dahil wala naman silang maaaring pagbentahan ng kanilang produkto maliban sa mga mangangalakal sa paanan ng bundok. Hindi mo tuloy masisi kung bakit maraming mga namumundok at pumapatay ng mga kapitalista dahil sa ganitong sistema na pinaiiral ng ilan sa ating mga kababayan. Ang mga mahihirap, patuloy na naghihirap samantalang ang mga kapitalista, patuloy na yumayaman. Hindi sa galit ako sa mga negosyante, pero sa ganitong sitwasyon na hirap na hirap na nga sa pagputol ng mga sanga ng puno ang mga taga Puray (bagamat pinagbabawal na ng gobyerno), tapos uulingin ito sa loob ng tatlong araw, at paghihirapang ibaba sa kapatagan, ay babaratin lang at sasabihing walang pambili? Papalitan na lang ng ibang produkto? Nakasusulasok na sitwasyon! Hindi ko kayang sikmurain na kumikita ka nang malaki tapos yung mga taong dahilan kung bakit ka kumikita ay pahihirapan mo pa! Ganoon nga talaga siguro ang tao, sabagay, matapos gumawa ng napakaraming himala ang Panginong Hesus, makapagpakain ng mahigit sa 5,000, tao, magpagaling ng napakaraming may sakit, heto siya ngayon, nakapako sa Krus. Siya na matapos na pakinabangan, dinusta pat pinahirapan. Nauunawaan ko na kung bakit niya nasabi ang unang wikadahil sa kasakiman ng tao! Ama, patawarin mo sila; sapagkat hindi nila nalalaman ang kanilang ginagawa. Ikalawang Wika:
Katotohanang sinasabi ko sa iyo, Ngayon ay kakasamahin kita sa Paraiso.
Lucas 23:43

Nakasakay ako sa jeep papunta sa pamantasang aking pinagtuturuan nang may umakyat na isang batang lalaki na sa tingin ko ay nasa edad siyam o sampu. Yumuko ito at isa-isang pinunasan ang mga sapatos ng mga pasahero ng kaniyang basahang mas marumi pa yata kaysa sa sapatos na suot ko. Matapos madampian ng kaniyang basahan ang lahat ng paa ng mga pasahero ay tumayo ito at nanghingi ng pera na bakas ang pagmamakaawa sa mukha upang matinag ang mga puso ng mga pasahero at magbigay sa kaniya. Ngunit sa halip na pera ay isang malakas na bulyaw ang narinig nito sa aleng aking katabi at nagwikang, Nasaan ba ang mga magulang mo at hinahayaan kang ganyan? Mga walang kwentang mga magulang yan at pinababayaan ang kanilang anak sa kalsada!!! Upang hindi na mapahiya ang bata ay inabutan ko ito ng limampiso nang sa gayon ay mabago ang atmospera sa loob ng sasakyan, pero ako naman ang binalingan ng mahaderang ale. Bakit mo binibigyan? Pangra-rugby lang niya yan, kaya tayo hindi umuunlad eh, kasi kinokunsinte ninyo ang mga ganyan! Hindi ako nakapagpigil at nasagot ko ang pakialamerang ale. Gaano ho kayo
Page 3 of 13

SIYETE PALABRAS

JENNIFOR L. AGUILAR

kasigurado na gagamitin niya sa rugby ang pera? Paano kung sa mabuting paraan niya gamitin? Responsibilidad na ho niya kung saan man niya gagamitin o kung paano niya gagastusin ang pera. Kayo ho ba kapag pinasweldo kayo ng amo ninyo, tinatanong po ba kayo kung saan ninyo gagamitin ang pinagkakitaan ninyo? Naghirap ho ang bata, hindi ho biro ang yumuko, lumuhod at punasan ang inyong tsinelas, hindi niya inalintana ang pagbaba ng kaniyang pagkatao, para lamang kumita ng kaunting baryang pinagkakait nyo pa. Kaya nyo ho bang gawin ang ginagawa niya? Pasensya na ho kayo, kasi nagpapakababa na nga yung bata, niyurakan nyo pa! Mama, para na po diyan sa tabi! Kahit hindi pa ako bababa ay pumara na ako para hindi na makapagsalita pa ang ale, dahil alam kong masyado nang masakit ang mga nasabi ko. Napakasalbahe ko talaga, kawawa naman yung aleng tinalakan ko nang sobra-sobra. Alam ko na hindi tama at wala sa tamang hulog ang pamamaraang ginawa ko. Hindi ko lang kasi matiis na makitang kinakawawa ang mga taong kawawa na nga. Pero ang totoo, nasaktan talaga ako at pakiramdam ko ay ako ang kaniyang sinasabihan noong nasa ganoong kalagayan pa ako. Sa totoo lang, ebolusyon na lamang ng isa sa dati kong trabaho ang ginagawa ng mga batang nagpupunas ng sapatos. Nagsimula ang ganitong uri ng panlilimos noong 1980s, isang istratehiya para hindi sabihing tamad ang mga batang nanghihingi ng limos, paano, eh noong walang maitindang sampaguita, sinubukan kong manghingi ng limos sa mga may kotseng dumaraan sa kalye ng Ramon Magsaysay Blvd., Rotonda, Maynila. Takot kasi akong mabugbog ng tiyuhin ko kapag walang maintregang pera kay lolo. Sinubukan kong manghingi ng limos noon ngunit ang sabi sa akin ng drayber ng kotse, Magtrabaho ka, tingnan mo yung mga kasama mo, nagtitinda, tapos ikaw, nanlilimos lang! Hayyy, ano nga ba talaga ang gagawin ko? Eh di upang hindi masabing tamad ako at puro hingi na lamang ng limos ay nanghingi ako ng basahan sa drayber ng jeep. Tanong sakin ng drayber na hiningian ko: Saan mo gagamitin ito? sagot ko, Panghanap-buhay po. Sinimulan kong punasan ang salamin ng kotse, nagtataka ang nakasakay kung bakit at ano ang ginagawa ko, matapos mapunasan hanggang sa likod ang mga salamin ay hiningan ko na ng limos ang nakasay rito, sabi ko, sir, sige na po , kahit singko lang, pangkain lang po Binigyan ako ng diyes sentimo. Tuwang-tuwa ako, Epektib ang ginawa ko Hindi ako sinabihang tamad dahil nga naman pinagtrabahuhan ko ang ibinigay sa akin. Ganon at ganon ang aking ginagawa kapag walang sampaguitang maititinda sa kalsada, marami nang gumaya hanggang sa nagevolve na nga gaya ng ginawa ng bata sa jeep. Ito marahil ang dahilan kung bakit nakapagsalita ako nang ganoon sa ale kanina. Hindi naman kasi tamad yung bata dahil pinagpaguran niya ang kanyang hinihingi, at isa pang dahilan, hindi ako naniniwala na lahat ng batang nanghihingi ay sa masamang bagay gagamitin ang perang ibinibigay sa kanila, pwedeng sa pagkain gagastusin ang perang maiipon o kaya naman ay sa pagaaral. Hindi ko naman kasi ginagamit sa rugby o sugal ang perang ibinibigay sa akin noon eh, bagkus ay nakatulong ito para marating ko ang kinalalagyan ngayon. Sa tuwing mayroong umaakyat na batat nagpupunas ng paa o sapatos sa jeep, hindi maaaring hindi ako mag-aabot ng pera o pagkain dito, dahil naniniwala akong balang-araw, mayroong batang uunlad ang pamumuhay mula sa ganoong uri ng trabaho. Kung paanong inalis ako ng Diyos mula sa pagkakapako sa kahirapan. Totoo ang kaniyang salita Katotohanang sinasabi ko sa iyo, ngayon ay kakasamahin kita sa
Page 4 of 13

SIYETE PALABRAS

JENNIFOR L. AGUILAR

paraiso. Kung matututo lamang ang tao na isuko sa Diyos ang kanyang buhay at magpasakop sa Kaniyang kalooban, magaganap ang mga katagang ito. Ikatlong Wika:
Sinabi niya sa kaniyang ina, Babae, narito ang iyong anak! Sinabi niya sa alagad, Narito ang iyong ina!
Juan 19:26-27

Tandang-tanda ko pa dahil katatapos pa lamang masunog ang kanto ng Loreto noon sa Sampaloc, Maynila. Nang mga panahong ito ay nasa ilalim na kami ng pangangalaga ng Lolo at Lola. Ang dahilan iniwan kami ng aking amang taxi-driver daw na sumama sa pangatlong babaeng kanyang minaneho. Ano? Pangatlo? Oo, pangatlo! Ibig sabihin ay pangalawang babae lang sa buhay niya ang nanay. Kwento pa nga ng ate ko, hindi daw sila nagtagal ng pangatlo niyang asawa (ewan kung asawa nga ang tawag doon) dahil may bago daw na nabuntisan si Itay na impluwensiyadong pamilya sa Tagaytay na humanting sa kanya at doon na siya nakapamalagi. Haay, ang hirap talagang ipaliwanag, basta, isipin nyo na lang na iniwan kami ng tatay ko at nagkaroon siya ng apat na asawa at pangalawang asawa lang niya ang nanay. Kaawa-awa ang kalagayan ng isang babae noong panahong ito kapag iniwanan ng lalaking bumuntis sa kanya nang hindi lang isang beses, kundi tatlo! Oo, tatlo kasi kaming naging anak niya kay nanay. Hindi pa tanggap sa lipunan ang ganitong pamumuhay noon, laman ka palagi ng usap-usapan, ikaw ang headline sa baranggay, pulutan ng mga nag-iinuman, at paboritong paksa sa mga debatehan. Bakit naman kasi may mga lalaking tulad ni itay na akala mo puncher lang ng papel kapag may makitang babae, pasok lang nang pasok, hindi ba niya alam na ang ibinubunga ng pagpasok niya ay bata? Sa sandaling langit na kanyang naranasan, bundok ng kalbaryo sa kanyang iniiwanan. Nakakaawa si nanay, dahil siguro sa labis na kalungkutan ay napilitang magpakasal sa masugid niyang manliligaw na tanggap na tanggap ang kaniyang katayuan sa buhay si Sakay. Yun ang tawag sa kaniya sa lugar namin dahil mahaba ang kanyang buhok. Barumbado ang tingin ng tao sa mga mahahaba ang buhok noon, katulad ng naging paghatol noon sa karamihan kay Macario Sacay na pinalalabas na Bandido ng mga kastila, ngunit nang aking mapag-aralan, si Macario Sacay ay magiting na bayani ng bayan. Katulad rin siguro ng napangasawa ulit ni Inay, isang bayani nga si Sakay sa buhay niya dahil sinagip siya nito sa labis na kahihiyan samantalang naging bandido naman siya sa aming paningin dahil ang nanay lang ang tanggap niya at kalaban niya kami sa pagmamahal ni nanay. Ang resulta, heto, itinapon kami kina lolot lola at namuhay na parang mga pusang gala sa kalsada. Mabuti na rin ito, kahit papaano, makakapamuhay nang normal ang aking ina, hindi man siya ipinagtagubilin ng aking ama, nagkaroon naman siya ng dignidad at nakapagpasimula ng bagong buhay. Hindi ko masisisi si nanay sa kanyang ginawa, may karapatan din siyang lumigaya, alam ng Panginoong Hesus ang kahinaan ng babae kung kayat itinagubilin niya ang kanyang ina sa kanyang disipulo. Si Nanay, kahit na kami ay napabayaan, alam kong may matinding paghihirap sa kanyang kalooban na dinanas niya noon kay tatay kung kayat kahit na masakit sa kanyang kalooban ay tiniis niya upang maisalba siya mula sa kahihiyan.
Page 5 of 13

SIYETE PALABRAS

JENNIFOR L. AGUILAR

Ikaapat na Wika:
Diyos ko, Diyos ko, Bakit mo ako pinabayaan?
Mateo 27:46

I wanna lay down on a bed of roses birit na pag-awit ni Randy, habang nagkakasiyahan ang lahat dahil kaarawan ng aking biyenan. Idinaos ito sa tahanan ng ng kaniyang kapatid dahil kararating lang niya galing Kuwait. Taun-taon siyang umuuwi sa Pinas upang magbakasyon at makapiling ang mga anak. Palibhasa ngat siya ang nanay ng asawa ko, heto kami, kumpletong nagdaraos ng kaniyang kaarawan kasama ng ilan sa kanyang mga kamag-anak. Ala una na ng madaling-araw nang magpaalam ang kanyang pinsan na uuwi sa lugar ng Pasay. Dahil sa minsan lang magkita, nagkasundo kaming ihatid ito gamit ang dalawang motor. Anim kaming lalaki na lulan ng dalawang motor, minaneho ko ang isa samantalang sa aking bayaw ang isa pa. Wala namang lasing at nakainom ng alak sa amin dahil naniniwala kami na maaari namang maidaos ang kasiyahan nang walang naglalasing. Napakaluwag ng kalsada, halos walang sasakyang dumaraan, nagkarera kami at ayaw magpatalo sa isat isa. Buong-tuling binabagtas ang kahabaan ng Service Road sa Nichols papuntang Pasay, nakita ko na sa may kalayuan na mayroong sasakyang nakahinto at mayroong malaking truck sa gawing kaliwa na papasalubong sa amin. Sinimulan ko nang ipreno nang unti-unti ang motor, ngunit sadyang matulin pa rin. Mababangga na kami sa puwitan ng sasakyan, preno pa rin ngunit ayaw nang kumagat. Natakot ako dahil wala pa akong lisensya, student permit lang ang meron ako, malaki-laking bayarin ito. Hindi naman pwedeng i-overtake sa kaliwa dahil napakalaki ng truck na kasalubong, nang makakita ako ng maliit na butas na pwedeng lusutan pagkalagpas ng kasalubong na truck ay ibinaling ko sa kaliwa ang motor, tumalon ang unang angkas ko, at saglit lang ay tumalon rin ang isa pa. Nawalan ng balanse ang motor, sa pag-aakala kong nakalusot na sa mga sasakyan, ay nabulaga naman sa kasalubong na itim na kotse. Nabangga rito ang motor at tumalsik ako, namalayan ko na lang na nakaupo ako sa gilid ng kotse. Pinilit kong tumayo ngunit naiiwan ang mga paa ko. Wala akong sakit na nararamdaman, mabilis ang kabog ng dibdib, takot. Malaking bayarin ito, wala akong lisensya, nakupo, wala pa kaming naiipong mag-asawa, saan ako kukuha ng pambayad sa sasakyang nabangga? Mayamaya pay may bumuhat sa akin upang itabi sa may bangketa, nataranta na ang lahat, ang iba naming kasamahan ay nagtrapik na, may dumating nang pulis, tinitingnan ko ang aking kinauupuan, napakarami nang dugong umaagos mula sa aking hita. Sumigaw na ako, Dalhin nyo na ko sa Ospital! Mauubos na ang dugo ko! Parang doon pa lamang natauhan ang mga kasama ko at saka ako inintindi. Naghanap sila ng mapagsasakyan at sa awa ng Diyos, isang taxi ang nakitang aking paglalagyan. Binuhat nila ako papunta sa taxi, laking gulat ko dahil umiikot ang aking mga paa. Naputol ang mga buto nito sa aking hita. Nakalaylay na ang mga ito at hindi ko na makontrol pa. Hindi mapagdesisyunan kung saang ospital kami pupunta, ako na ang nagdesisyon, sabi ko, Sa Makati Med tayo mama. Iyon ang una kong naisip dahil gusto ko pang mabuhay, isip-isip ko, kahit na mahal, basta kailangan kong mabuhay. Takot kasi akong magpadala sa mga ospital ng gobyerno dahil maraming namamatay na mga pasyente at hindi naaasikaso, katulad na lamang ng kababalita lamang sa telebisyon, isang nagtatrabaho sa GMA 7, ang tinanggihan ng Tondo General Hospital dahil puno daw ang operating room nito, ayun namatay sa ospital, kaya nga heto,
Page 6 of 13

SIYETE PALABRAS

JENNIFOR L. AGUILAR

bugbog sa Media ang pamunuan ng ospital dahil sa pangyayaring iyon. Nakarating na kami sa Makati Med, mabilis akong inasikaso ng mga nakatalagang staff. Binigyan ng first-aid, habang nasa emergency room ay dumating na ang aking asawa at biyenan, maraming ginawa ang mga staff ng ospital sa akin, at sa tuwing may ginagawa sila ay itinatala ito sa kanilang kompyuter, nasisilip ko ang monitor ng kompyuter na nakatalaga para sa akin, talaan pala iyon ng mga presyo ng bawat serbisyong kanilang ginagawa. Umaabot na ito sa mahigit na P13,000.00, hala! Kung anong bilis ng serbisyo, ay ganoon din ang bilis ng metro? Nakupo, saan ako kukuha ng pambayad? Hindi nga ako namatay sa aksidente, mamamatay naman yata ako sa paghahanap ng pambayad. Kinausap na ng doktor ang aking asawa at sinabi ang mga gagawin sa akin, ikinwento ni misis ang mga sinabi ng doktor, kung ooperahan daw ako ay kinakailangang maghanda ng P100,000.00 para sa bakal na ilalagay sa dalawang hita na nabali sa akin. Bakal pa lang yun? Paano na yung ibang serbisyo at gagawin pa? Yung professional fee? Yung mga gamot? Mukhang dito na ako mamamatay. Nakiusap na akong maghanap ng ibang ospital, doon na lang sa Philippine Ortophedic Center, tutal suki naman ako doon, doon ako dinadala tuwing mabubundol ng mga sasakyan habang naghahanap-buhay sa kalye noong bata pa ako. Sinabi niya ito sa doktor at gumawa sila ng paraan upang mailipat ako ng ospital. Ika-6:00 ng umaga nang isinakay ako sa ambulansya papuntang Ortophedic, ewan ko kung paano nabayaran ni misis ang bill sa ospital, wala naman kaming ipon sa bangko. Ito na yata ang pinakamatinding hirap na dinanas ko sa buong buhay. Madali ang magbanat ng buto at kumayod nang kumayod para mabuhay, pero yung nakikipagagawan ka na sa buhay at iisipin mo pa ang mga bayarin, lubhang napakasaklap na. Pakiramdam ko nga, tinalikuran ako ng Diyos sa mga tagpong ito. Wala naman akong mapagkukunan ng ipambabayad. Pinabayaan na ba ako ng Diyos? Dito ko nasambit ang mga katagang Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan? Matapos mo akong hanguin mula sa lansangan sa pagtitinda ng sampaguita, sigarilyo, dyaryo at iba pang hanap-buhay noong akoy bata pa, hinayaan mo pang matapos ko ang aking pag-aaral sa elementarya, tapos, hinayaan mong matapos ko ang aking hayskul kahit na napakaraming sigalot ang nagdaan Pinagkolehiyo mo pa ako, kahit na hindi ko gusto yung kursong napasukan ko at hinayaan mong matapos ko ito sa pamamagitan ng pagtatrabaho gaya ng pagiging dyanitor, tagatupi ng mga papel sa printing press, at ibat iba pang diskarteng nakatulong upang matapos ko ito tapos, hinayaan mo pa akong makapag-asawat magkaanak, pinatapos mo pa ako ng Masteral pinagturo sa pamantasang pinapangarap ng karamihan ngayon, ngayong malapit ko nang matapos ang digring doktoral, kukunin mo na ako? Mamamatay na ba ako ngayon? Para saan pa at ibinigay mong lahat sa akin ang mga tagumpay na itot mauuuwi lang pala sa kamatayan ko sanay hindi mo na lamang ako hinayaang mabuhay. Ganito ba talaga? Tama nga ang sinabi ng mangangaral sa Ecclesiastes: Walang kabuluhan ng mga walang kabuluhan, lahat ay walang kabuluhan. Anong pakinabang mayroon ang tao sa lahat ng kaniyang gawa, na kaniyang ginagawa sa ilalim ng araw? Ang mga katagang ito ang paulit-ulit na naglalaro sa aking kaisipan habang nag-aagaw ang sakit sa kalamnan ng aking mga hita at pagkahilo dahil sa pagkakaubos ng dugo sa aking katawan, pakiramdam koy lilisanin ko na ang mundong aking ginagalawan at lilisanin ko ito nang dahil lang sa
Page 7 of 13

SIYETE PALABRAS

JENNIFOR L. AGUILAR

aksidente sa motorsiklo at kayabangan kong mauna sa aming pagkakarera? Wala man lamang kabayanihang nagawa o naiambag sa bayan? Kaawa-awang kamatayan! Kahiya-hiyang kamatayan! Kainis-inis na kamatayan! Nakipagkasundo ako sa Diyos, Panginoon, huwag po muna ngayon, hayaan mo namang magkaroon ng silbi ang buhay kong itong iniahon mo mula sa kasadlakan. Isa pang pagkakataon please? Nagising na lamang ako na nasa recovery room at tapos nang operahan. Hindi ko maigalaw ang buong katawan. Labing-anim na oras daw akong inoperahan at nilagyan ng bakal ang dalawa kong femur (hita) upang makalakad na muli. Sa awa at tulong ng Diyos, unti-unti kong nakita ang layunin kung bakit niya hinayaang dumaan ako sa ganitong tagpo ng buhay. Dumagsa ang tulong mula sa ibat ibang tao, ambagan mula sa mga kasalukuyan kong estudyante, mga kasamahang propesor, mga dating estudyante, kasamahan sa simbahan, maging mga kaibigang nasa ibang bansa. Hindi ko inakalang ang kulang-kulang dalawandaang libong gastusin sa tatlong buwang pamamalagi sa ospital ay natugunan nang hindi nanggaling sa sarili naming bulsa (dahil wala naman talagang makukuha sa aming bulsa). Dito ko napatunayan na hindi nagpapabaya ang Diyos. Kung papaanong hinayaan ng Diyos Ama sa langit ang katayuan ng Panginoong Hesu-Kristong naghihirap sa krus ng kalbaryo, tiniis Niya ang tagpong ito sapagkat alam Niyang itoy para sa kaligtasan ng buong sangkatauhan at para sa pagsasakatuparan ng Kaniyang dakilang layunin. Hinayaan Niya ring pagdaanan ko ang pagdurusang ito para mas dakila pang layuning gagawin niya sa buhay ko. Ikalimang Wika:
Nauuhaw ako.
Juan 19:28

Tatlong buwan pa lamang kaming nakalilipat sa bagong tahanan sa isang subdibisyon sa Montalban, Rizal. Katuparan ng isang pangarap na magkaroon ng sariling tahanang handog sa aking pamilya. Tahanang bunga ng paghihirap, pagsisikap at nagsisilbing tropeyo ng tagumpay sa mga pinagdaanan sa buhay. Sabado, ika-26 ng Setyembre, 2009 napakasarap matulog dahil sa malamig ang panahon nakalimutan ko na may pasok ako sa paaralan ng ika-7:00 ng umaga. Karaniwan sa ganitong araw na ako ay bumabangon nang alas 5:30 ngunit nahimbing ako sa pagtulog dahil nga sa lakas ng ulan sa buong magdamag. Alas 8:00 nang ako ay gisingin ng aking asawa dahil sa pagtawag ng aming kapit-bahay upang ilipat ang kotse sa mas mataas na lugar. Inilipat ko ito sa lugar na hindi binabaha, pagbalik sa amin, ay hanggang bewang na ang tubig sa kalsada at malapit na itong umabot sa sahig ng bahay. Itinaas namin isa-isa ang mga kagamitan sa loob ng bahay, ngunit nang maramdamang patuloy at mabilis ang pagtaas ng tubig ay nagdesisyon na akong lisanin namin ang bahay. Nang kami ay papalabas na ng pintuan ay ayaw nitong magbukas. Sa tindi ng takot na makulong sa loob ay sinira ko ang jalousie ng bintana at doon kami lumusot ng aking pamilya. Pagkalabas ng bahay ay kinuha ko ang air-bed upang doon isakay ang panganay kong anak, 11 taong gulang, bunsong anak 3 taon, at ang aming ampon na 8 taong gulang. Ako, ang aking asawa at ang aming kasambahay ang siyang naging tagatulak nito. Hindi pa kami nakalalabas ng path walk ay nasalubong namin ang kapitbahay na paralyzed na pasan-pasan ng kanyang anak. Nakiusap ang anak niya na
Page 8 of 13

SIYETE PALABRAS

JENNIFOR L. AGUILAR

isakay ang nanay niya sa air bed. Nang naisakay na ito ay tuluy-tuloy kaming umusad papuntang kalsada ngunit napakabilis at napakataas ng tubig na sumalubong sa amin sa kalsada kayat nagdesisyon kaming bumalik at umakyat sa bubong ng bahay. Alas 9:30 na nang lahat kami ay makaakyat sa bubong ng bahay kasama ang mga kapit-bahay. Muli akong bumaba sa bubong nang makita ko ang mga batang nakulong sa bahay nila at pilit itong iniligtas upang makalabas ng bahay. Nang masagip na ang mga ito ay muli akong umakyat dahil ang tubig ay hanggang dibdib na. Alas 10:00 nang unti-unti nang umaabot sa bubong ng bahay ang tubig baha, mayroon na naman kaming nakitang dalawang babae na humihingi nang saklolo dahil malulunod na sila, kasama ng dalawang lalaki ay pilit naming silang iniakyat sa bubong. 10:30 ng umaga, nawawalan na kami ng pag-asa dahil malapit nang abutin ang aming kinalalagyan ng tubig-baha. Nag-umpisa nang mag-iyakan ang mga bata at mga babae na kasama namin. Naghanap kami ng paraan upang makalikas sa mas mataas na lugar. Sa kabilang kalsada ay may bahay na may 2 nd floor na pwede naming puntahan tunay na napakabait ng Diyos dahil kahit walang paraan upang makapunta doon sanhi ng napakalakas na agos ng tubig ay bigla na lang mula sa tubig baha ay may lumitaw na lubid na sapat na upang maitali sa magkabilang kalsada na siya naming magagamit upang maitawid ang mahigit sa dalawampung tao na kasama namin sa bubong. Dali-dali kong tinanggal ang kable ng antenna ng kapit-bahay namin na siya namang itinali sa water-container na pwedeng pagkapitan ng mga taong ililikas sa kabilang kalye upang hindi lumubog sa tubig. Isa-isang itinatali ang mga babae, bata at matatanda ng kable ng antenna at pinayayakap sa water container upang makalipat sa kabilang kalye. Tinatantya ang pagtawid sapagkat maya-maya ay may mga malalaking kahoy na umaagos sa tubig na maaaring maging sanhi ng pagkadisgrasya ng mga taong inililigtas. Pasado 1:00 na nang tuluyang lumubog ang bubong ng bahay, ngunit sa awa ng Diyos ay nailikas lahat ang mga taong nasa bubong na iyon, kasama ang isang matandang paralyzed na isinakay sa halos maubusan nang hangin na air-bed. Lahat kami ay nakapunta sa nag-iisang bahay na may 2nd floor sa aming lugar. Umabot sa higit-kumulang 60 tao sa loob ng kanyang bahay samantalang mahigit sa 20 tao ang nasa kanilang bubongan. Pansamantala kaming nakadama ng ginhawa sapagkat kahit papaano ay hindi kami inaanod ng tubig sa loob ng bahay. Ika-2:00 ng hapon nang umabot na sa tuhod namin ang tubig baha sa loob ng nd 2 floor na bahay. Nag-umpisa nang mangamba ang lahat sapagkat patuloy pa rin ang malakas na hataw ng hangin kasabay ang pagbugsu-bugsong ulan. Ika-3:00 ng hapon, umabot na sa bewang ang tubig. Sinikap naming tumawag sa lahat ng aming mga kaibigan, kakilala, koneksyon upang humingi ng saklolo at mailikas kami sa lugar na iyon. Ika-4:00 ng hapon hanggang dibdib na ang tubig sa loob ng 2 nd floor na tinutuluyan namin. Unti-unti nang nawawalan ng pag-asa sapagkat walang kahit anumang tulong ang maaaring makarating sa amin. Nag-iiyakan na ang mga kababaihan maging ang mga bata sapagkat kaunti na lamang ay maaari nang pumasok sa bintana ang tubig na maaaring maging dahilan upang kami ay anurin papalabas ng bahay. Nawawalan na ng pag-asa ang lahat, wala kaming matawagan ng tulong, nagugutom na maging mga bata sapagkat ni hindi man lamang nakapag-almusal ang
Page 9 of 13

SIYETE PALABRAS

JENNIFOR L. AGUILAR

mga ito. Maging ang di pa nalulutong noodles ay pinagtiyagaang kainin ng mga anak ko upang mailipas lang ang gutom ng kumakalam na sikmura. Wala na kaming matawagan at mahingian ng tulong. Naisipan ng lahat na tumawag sa Diyos at manalangin (bagamat personal na kaming nananalangin mula pa noong umaga upang pahintuin na ng Diyos ang pagtaas ng baha). Umiyak kami sa Panginoon at hiningi ang Kanyang himala upang makaligtas sa trahedyang ito. Matapos na makapanalangin ay nakiramdam ang lahat sa pagdinig ng Diyos Natahimik ang lahat sapagkat lalong lumakas ang ulan, Lalo nang nauubos ang aming pag-asa sapagkat inakala naming maging ang Diyos ay ayaw kaming tulungan. Ika-5:00 ng hapon, bagamat patuloy pa rin ang paglakas ng ulan ay naramdaman namin na hindi na tumataas ang tubig, bumaba ito ng 1 inch. Nakaramdam na kami ng pag-asa sapagkat dininig ng Diyos ang aming panalangin. Ika-9:00 ng gabi nang humupa ang tubig sa 2 nd floor. Tanaw na ang mga bubong ng kabahayan patuloy pa rin ang paghingi ng tulong ngunit walang dumarating. 1ka-10:00 ng gabi, kahit papaano ay nakatulog ang mga bata kalong ng kanilang mga magulang. Lagpas tao pa rin ang tubig sa kalsada kayat hindi pa rin makaalis sa tinutuluyang bahay. Ika-11:00 ng gabi may ilang lalaki na sinikap makahanap ng tulong. Nilangoy nila ang baha sa gamit ang water container upang makahanap ng mga maaaring tumuong. Ika-12:00 ng gabi, hanggang leeg na lamang ang baha. Hindi pa rin bumabalik ang mga kalalakihan na humingi ng tulong. Ika-1:00 ng madaling-araw, hanggang dibdib na lang ang baha, sinikap naming bumaba upang tingnan kung kakayanin nang lumakad, ngunit bumalik kami sapagkat delikado pa. Ika-2:00 ng madaling-araw, hanggang bewang na lamang ang tubig. Nagdesisyon na akong ilikas ang aking pamilya sapagkat natatakot akong baka muling lumakas ang ulan at tumaas na naman ang baha. Paglabas namin ng bahay ay sakto namang dumating ang isang dump truck sa may kanto ng kalsada at kasama nito ang mga lalaking naunang umalis upang humingi ng tulong. Dali-dali kaming nagtungo sa may truck at isinakay doon ang aking pamilya kasama ang mga tao na nasa loob ng bahay. Nang mapuno ang truck ay dinala kami nito sa evacuation center. Hinang-hina at gutum na gutom kami nang sumapit sa evacuation center. Naging pinakamasarap na pagkain sa amin nang araw na iyon ang tinapay at kapeng hain nila. Naghanap kami ng matutulugan ngunit basa ang semento. Nanghingi kami ng karton sa Mercury Drug at hindi naman kami pinagkaitan nito na siya naming pinansapin upang makatulog sa basang semento. Linggo ng umaga, sinundo kami ng mga kaibigan sa Evacuation Center. Habang papaakyat sa zigzag road ang sinasakyan ay napalingon ako sa kinaroroonan ng aming bahay Punung-puno ng putik at hindi mo aakalaing magmimistulang dagat ng tubig ang lugar na ito. Ang dating tuyot na tuyot at uhaw na uhaw na lugar ay nilunod ng sobra-sobrang tubig na halos wala nang paglagyan. Mahirap palang mauhaw ang kalikasan, kaya niyang punuin ng tubig ang kalupaan, ngunit lalo naman sigurong mas mahirap mauhaw ang Diyos. Nang sinabi ni Hesus na siyay nauuhaw, hindi lamang ito sa literal na tubig kundi maging sa pagmamahal ng mga taong nooy kaniyang natulungan at ni hindi man lamang siya sinulyapan.
Page 10 of 13

SIYETE PALABRAS

JENNIFOR L. AGUILAR

Ikaanim na Wika:
Naganap na!
Juan 19:30

Wala na kaming bahay. Wala na ang kotseng pinag-ipunang mabili. Wala na ang mga kagamitan na paunti-unting ipinundar. Wala nang natira, wala nang lahat! Naganap na! Naganap na ang kinatatakutan ko sa buhay. Naganap ang ayaw na ayaw kong mangyaring muli sa buhay ko. Ayaw ko silang makitang nagugutom! Ayaw ko silang makitang nanghihingi ng awa sa ibang tao para lamang makakain! Ayaw kong magmukha silang kaawa-awa! Lahat ay gagawin ko, huwag lamang nilang maranasan ang mga bagay na naranasan ko noon, ngunit ngayon, naganap na Nagsimula akong maghanap-buhay sa edad na lima, una kong sinubukang magtinda ng sampaguita. Hindi birong pagtitinda ito dahil ginagawa ito sa gitna ng kalsada. Sa tuwing mag-iilaw pula ang traffic light ng Ramon Magsaysay Blvd., lalakad na at mag-aalok-alok sa mga kotseng nakahinto, samantala kapag berde na ang ilaw ay maglalakad pabalik sa unahan. Nakapag-aral ako ng elementarya habang naghahanapbuhay. 6:45 ang oras ng klase, at magtatapos ng 11:45. Pagkatapos na pagkatapos ng klase ay dederetso na kaagad sa bahay at ibabato roon ang bag dahil makikipagunahan pang pumila sa pagkuha ng sampaguita na siyang ititinda sa maghapon. Pagkakuha ng sampaguita ay pupunta muna kay lolo para humingi ng piso na pambili ng kanin-pengeng-sabaw. Ipinalalagay sa plastik ang kanin at palalagyan ng sabaw ng menudo (sabaw ang tawag namin noon sa sarsa eh), mechado o kahit na anong masarap na sarsa at saka ibubuhol ang plastik, pipisa-pisain ang kanin upang humalo nang husto ang sarsa, at saka kakagatin ang dulo nitot sisipsipin ang kanin sa loob. Pagkaubos ay saka iinom ng tubig mula sa gripo ng nawasa. Masayang-masaya na kapag naubos ang tindang sampaguita ng alas diyes ng gabi, kapag minalas-malas, alas onse, kapag mas malas, alas-dose, at kapag sobrang malas, kalsada na ang nagsisilbing tulugan hanggang sa mabulok ang tindang sampaguita. Hayun, lugi ang negosyo, lagot ako! Bugbog ako kina tito Aman dahil bukod sa wala nang tinubo ay mag-aabono pa ng pang-intrega. Parang napakalupit ng mundo sa ganitong mga tagpo. Naghanap-buhay ka nga, nagpakapagod maghapon, magdamag, mapupuyat, malulugi, tapos mabubugbog pa. Ang mga tagpong ito ang nagtulak sa akin upang gumawa ng masama. Napabilang ako sa Karapatan Boys, grupo ito ng mga tindero at tindera sa Rotonda, Maynila na nagnanakaw sa mga dumaraang sasakyan sa lugar na ito katulad ng mga prutas, gulay, manok, at iba pang kagamitan. Masayang-masaya na kami kapag nakakakulimbat at ibinebenta lamang ito sa murang halaga. Isa pa sa pinakamadaling paraan ng pagkita ng pera ay ang pagsama-sama ko sa Usok-Gang. Napakadaling kumita sa grupong ito, napakasimple lang naman kasi ng gagawin ko, kinakailangan lang ay magaling kang umarte at magmukhang totoo ang sinasabi mo. Dadayo kami sa may Quirino Ave., dahil maraming mga kotse doon papuntang Makati at doon pupwesto. Kunwari ay nagtitinda ng sampaguita sa mga sasakyan. Ganito ang aming modus: Lalakad at kunwaring nagtitinda ng sampaguita sa mga sasakyan, kapag may nakitang prospek (tinitiyak namin na ang prospek ay may-ari ng sasakyan at hindi tsuper lang), magkukunwaring natataranta at sasabihin sa drayber ng sasakyan na may nag iispark sa ilalim ng kotse niya. Syempre, matataranta ang
Page 11 of 13

SIYETE PALABRAS

JENNIFOR L. AGUILAR

drayber, pabubuksan ko ang hood ng sasakyan para makita kung ano ang nangyayari. Lalapit ang isa ko pang kasamahan at tutusukin nito ang alternator ng screw driver. Siguradong uusok ito, at natatarantang sasabihin sa drayber na patayin ang makina. Dahil sa takot ng drayber ay papatayin ito, (sino nga naman ang gustong masunog ang sasakyan niya di ba?) itutulak sa gilid ang sasakyan at sasabihin ko na tatawag ako ng mekaniko. Pagkatawag ng mekaniko (kasama rin namin yun), siya na ang bahalang dumiskarte sa sasakyan. Pero sigurado na ang ending noon ay sira ang ignition coil. (sa totoo lang, hindi madaling masira ang ignition coil) Mahal kasi ang presyo nito, kaya hayun, kailangan niyang palitan ang ignition coil, kasi maipapakita sa kanya ng mekaniko na kapag yung ignition coil niya ang nakalagay, hindi aandar ang makina, samatalang kapag ang dala ng mekanikong ignition coil ang isinalpak, gagana ito. (hindi alam ng drayber na hinuhugot ang kable ng spark plug kapag yung ignition coil niya ang nakasalpak para hindi umandar ang makina). Ang kawawang drayber, magbabayad ng hindi bababa sa dalawang libo. Ayaw ko nang bumalik pa sa ganitong trabaho. (Ubos na ho ang usok-gang, pinagsasalvage sila noon at itinapon sa Paliparan, Cavite. Samantala ang ibang kasamahan, dahil sa takot ay nagbagong-buhay na.) Binago na ako ng Diyos, binago na Niya ang buhay ko mula nang nanampalataya kay Kristo! Kasi, ang sabi Niya sa ikalawang Corinto, 5:17, ang sinumang na kay Kristo ay bagong nilalang Nagbago na ako, naganap na sa akin ang kanyang salita. Alam ni Kristo na sa tagal ng kanyang pagkakapako ay bibigay na ang kanyang katawan, alam niyang nalalapit na ang pagwawakas ng kaniyang katawang lupa ngunit sa halip na pagmamakaawa ang kaniyang bigkasin, ang kaniyang sinambit ay NAGANAP NA! sapagkat alam niyang ang kaniyang kamatayan ay makapagbabago sa takbo ng buong sanlibutan. Naganap na ang pinakamalupit na trahedya sa aking pamilya, ngunit batid ko na kung paano niya ako isinalba sa lahat ng paghihirap at pagdurusa sa buhay, ibabangon rin niya ako sa napakalupit na kaganapang ito. Ikapitong Wika:
Ama, sa mga kamay mo ay ipinagtatagubilin ko ang aking espiritu.
Lucas 23:46

Sunud-sunod ang dating ng mga de lata, noodles, at mga damit bilang tulong sa lahat ng nasalanta ng Bagyong Ondoy. Nagkaisa ang lahat ng estudyante ng aming pamantasan na tulungan ang mga kapwa-estudyanteng nasalanta ng lupit ng bagyo. Sir, di ba nasalanta rin kayo, bakit po nandito kayo at kayo pa ang unang nanawagan sa amin na gawin ito? Sabi ni Jikka, isang lider estudyante. Huwag ninyo akong alalahanin, maraming tutulong sa akin. Samantalang ang mga estudyante nating mahihirap at nasalanta walang tutulong sa kanila, kaya panahon na para tayo ang gumawa nito para sa kanila. Hindi nga ako nagkamali. Kasi, mayat maya ang tawag mula sa ibat ibang kaibigan ko na nag-offer ng tulong sa amin. Sa dinami-dami ng aking natulungan noon na nakaalam ng nangyari sa akin, sobra-sobrang tulong ang aking natanggap. Karamihan nga sa mga ibinigay na de lata, bigas at mga damit ay ibinigay ko na rin sa mga estudyante dahil wala na kaming mapaglagyan.
Page 12 of 13

SIYETE PALABRAS

JENNIFOR L. AGUILAR

Nakabili rin ako ng maliit na bahay mula sa mga ambag-ambag na perang pinadala ng mga kaibigan sa Switzerland, Australia, at US. Hindi ko akalain na ang isang trahedyay isa palang pagpapala sa aming buhay. Lalo akong pinatatag nito sa pananampalataya sa Dakilang Maylikha at tanging sa Kanya ko lamang ipagkakatiwala ang buo kong buhay. Ama, sa mga kamay mo ay ipinagtatagubilin ko ang aking espiritu. Heto kami ngayon, kasama ang mga estudyante ko at nakikipagsapalaran sa kabundukan ng Sierra Madre. Buo ang tiwala na makababalik ng buhay, buo ang tiwala sa Dakilang Maylikha. Ang tanging bitbit ay ang malinis na hangaring makatulong sa mga taong higit na nangangailangan nito. Mali ang aking pag-aakala na malulupit ang mga NPA, bagkus, sinundan lang nila kami mula sa kalayuan patungo sa aming pupuntahan. Wala silang ginalaw sa amin, marahil ay tapat rin ang kanilang hangarin na matulungan ang mga mamamayan ng Puray na makaahon sa kahirapan sa pamamagitan ng edukasyon. Marami nang natulungan at nagpatotoo sa kadakilaan ng mga huling pitong wika ng Panginoong Hesus sa krus ng kalbaryo. Maaaring magbago ang panahon ngunit ang salita ng Diyos ay totoo noon, totoo ngayon, at totoo sa hinaharap sapagkat siya ang nagsabi: Ang langit at ang lupa ay lilipas: datapuwat ang aking mga salita ay hindi lilipas. (Marcos 13:31)

Page 13 of 13