“Huwag padaíg sa masamâ, kundi daigín ng mabuti ang masamâ.” Rom 12:21 Panimula Minamahál na Báyan ng Diyos, Sumainyo ang kapayapáan. Alám naming marámi sa inyo ang nagtataká kung bakit nananatiling tahimik ang inyong mga Obispo sa haráp ng napakaráming nakababahálang isyu, na sa tingín ninyo ay nangangailángan ng aming gabáy-espirituwal at pastorál. Ipagpaumanhin sana ninyo ang tagál ng panahong ginugol namin para magsalitâ sa wakás. Kinailangan rin naming magabayán nang wastô sa pamamagitan ng pagdarasál at pagninilay bágo kami gumabáy sa inyo. Pagtugón sa Pananahímik Sa nagdaáng ilang buwán, napansín namin kung paano untì-untíng namayani sa ating bansâ ang kultura ng karahasán. Ang bágo pa lamang na pagpapasábog ng bomba sa Katedrál ng Joló na ikinamatáy ng marámi at ikinasúgat ng higít pang maráming táo ay dagdág na ebidensya sa paúlit-úlit na paghahasík ng poót na nagwawásak sa kasiglaháng morál ng ating bansâ. Pagtugón sa Pananahímik Kamakailán lamang kami rin ay napag-inítan at ginamítan ng masasakít na salitâ na animo’y matatálas na punyál na tumatagós sa káluluwa ng Simbahang Katóliko. Mulâ sa kaibutúran, dumaraíng ang katawán ni Kristo tulad ng pagdaíng Niya kay Saúlo ng Tarsus sa daán patúngong Damasco (Mga Gawa 9, 4). Tahímik naming tiniís at ipinagdasál ang mga pangyayáring ito. Sinunód namin ang páyo ni Papa Francisco na nagsabing may mga pagkakataóng “ang pinakamabuting tugón ay pananahímik at págdarasál.” Pananámpalatáya: Pinaghuhugútan ng Lakás ng mga Táo. Iginagálang namin ang kalayáan ng konsyensya at paniniwalà ng mga taga-ibang relihiyón, kasama na ang mga dáting Katóliko na tumalikód sa kinagisnáng relihiyón. Iginagálang din namin ang kalayáan sa pamamaháyag ng aming kapwâ-mámamayán sa bansáng ito, patí na ang personal na opinyón tungkol sa pananámpalatáya at relihiyón. Pero sa ábot ng aming kaalamán, hindi kasáma sa kalayáan sa pamamaháyag ang pahintúlot na tuyaín at lapastangánin ang paniniwalà ng iba, lalung-lalò na mga batáyan ng ating pananámpalatáya. Pananámpalatáya: Pinaghuhugútan ng Lakás ng mga Táo. Alám namin na malalim ang súgat na nililikhâ nito sa kaloóban ng mga táo—lalò na ng mga mahihírap, dahil ang pananámpalatáya lamang ang tangì nilang makakapítan. Ito ang nagbibigáy sa kanila ng pag-ása, at lakás na magpatúloy mabúhay at magsíkap sa pagtatrabaho sa haráp ng mga balákid na kinakaharáp nila. Ito ang nasasandalán nila kapag ramdám nila ang pag-iisá at wala silang panánggaláng sa pagtatrabaho nila sa ibang bansâ. Kailangan ng Katekesis Kung hindi naiintindihan ng mga táo ang mga importanteng doktrina bilang Kristiyanong Romano Katóliko, kami din ang dapat sisihin. Maaáring nabigô kami sa aming pangangáral. Marahil hindi kami naging epektibo sa pagtuturò tungkol sa pananámpalatáya? Ang paghahandâ natin para sa ikalimang daáng (500th) taón ng Kristiyanidad sa Pilipinas ay maaáring magsilbi bilang pagkakataón na magsagawâ ng panibágong pamamanság ng Mabuting Balità sa salitâ at sa gawâ. Pag-ámin sa mga Kakulangán Tulad ng mga pinunò at miyembro ng alinmang institusyóng pantáo, kami na inyong mga Obispo at parì ay walang dudang may mga pagkukúlang rin. Nasábi na namin sa nakaraán naming paháyag na “yukô ang úlong ikinahihiyâ namin kapag nababalitáan namin ang mga páng-aabúsong ginagawâ ng ilán sa amin . . ” na “pinanánagután namin ang kanilang ginawâ, at tinatanggáp namin ang tungkúlin na sila’y iwastô. . .” Hindi Tútol sa Paglában sa Ilegál na Droga Marahil, dahil sa pag-áalaála sa kaligtásan namin, may mga nagbábabalâ sa amin na huwag daw kaming maging kritikál lában sa kampanya ng gobyerno lában sa ilegál na droga. Dapat marahil naming linawin ang aming posisyón sa isyung ito. Hindi kami tútol sa pagsisíkap ng gobyerno na sugpuín ang ilegál na droga. Hindi Tútol sa Paglában sa Ilegál na Droga Iginagálang namin ang katotohánan na tungkulin ng gobyerno na panatilihing umiíral ang batás at kaayusán, at protektahán ang kanyang mga mámamayán lában sa masasamáng elemento. Matagál na naming tinanggáp na sálot sa lipúnan ang droga at ang pinakamadalî nitong biktima ay ang mga mahihirap. Tulad ng maraming Pilipino, kami din ay umaása na tótohanan na ang pagkilós ng gobyerno na gamitin ang puwersa ng batás upang masugpô ang teribleng sálot na ito. Hindi Tútol sa Paglában sa Ilegál na Droga Nagsimulâ kaming magduda sa pinatutungúhan ng drug war na ito nang nabalitáan namin na karamihan sa mga napapatáy ay mga mahihirap na napaghinaláan lamang na gumagámit o nagtutulák ng droga, samantalang ang mga malalaking smugglers at drug lords ay hindi ginagaláw. Tungkulin bilang Pastol ng Bayan ng Diyos Bilang mga Obispo, wala kaming intensyóng makialám sa pagpapatakbó ng gobyerno. Pero hindi rin namin intensyón na talikdán ang aming tungkúlin bilang mga pastól na pinagkatiwaláan ng Panginóon na pangalagáan ang Kanyang káwan. Tungkúlin naming ipagtanggól ang aming káwan, lalo na kapag inaatáke sila ng mga lobo. Katotohanan ang Sandata Hindi kami gumagámit ng armás; katotohánan lamang ang gámit namin. Kayâ, walang anumang pananákot o bantâ sa aming búhay ang makapipígil sa amin na ganapín ang papél namin bilang propeta, lalo’t higít ang pagbibigáy-tínig sa mga walang boses. Ayon nga kay San Pablo, “Sawimpálad ako kung hindi ko ipaháyag ang Ebanghelyo” (1 Kor 9, 16). Kalarawan ng Diyos Itinuturò ng ating pananámpalatáya na walang sinuman dito sa mundo na dapat itúring na “hindi táo,”ni ang mga may kapansánan sa pag-iisip o kaya’y isinílang na may kapansánan. Ito ang dahilán kung bakit ipinagtátanggól natin ang karapatáng mabúhay, patí na ng mga hindi pa isinisílang, dahil naniniwalà tayo na lahat ng táo’y nilaláng na kalaráwan ng Diyos, at may angkíng iwíng dignidád. Kalarawan ng Diyos Isinasaálang-álang din natin ang karapatáng mabúhay ng mga táong malupít na pinasláng dahil lamang sa napaghinaláan silang kaáway ng gobyerno, gayundín ang mga bastá na lamang pinatáy ng mga grupong armado. Sang-áyon ang bawa’t isa sa komunidad ng mga sibilisadong bansâ na kahit yung mga nakagawâ ng krimén ay dapat tratuhin sa makatáong paraán, bagama’t dapat silang panagutín sa kanilang ginawâ ayon sa hustisya. Iligtás ang mga Batà Hindi natin masasábing sibilisado ang ating lipúnan kung pananagutín natin ang mga bátang lumabág sa batás. Ang mga bátang nasangkót sa krimén, tulad ng mga ginagámit na runner ng mga nakatátandáng drug pusher, ay hindi nararápat ituring na kriminál; sila’y mga biktima na dapat iligtás. Malínaw na gáling sa mga mahihirap na pamilya ang karamihan sa mga bátang may problema sa batás, at isinilang sila at lumakí sa kapaligirán ng páng-aabúso. Iligtás ang mga Batà Ipinamámanhík namin sa ating mga mambabátas na pag-isipang mabuti ang panukálang-batás kanilang binábalangkás, at isaálang-álang ang mas malaking pinsálang maidudúlot nito sa mga kabatáan ng ating bansâ. Pinupúri namin ang mga inisyatibang ipaáyos ang mga silúngang Báhay-Pag-ása para sa kapakanán ng mga bátang may problema sa batás. Ang Punto de Vista ng Awà
Ang pagiging sibilisado ay hindi lamang tungkól sa
pagkakaroón ng makabágong teknolohiya at inprastruktura, kundi tungkól rin ito sa pagiging makatáo sa mahihirap, mahihinà, mga may kapansánan, mga matatandà, mga batà, mga may natatánging pangángailángan, at lahat nang mga napapabayáan sa lipúnan. Hindi lamang tayo mga nilaláng na may iwíng katalinúhan at ginagabayán ng kilos na “matirá ang matíbay”. Ang Punto de Vista ng Awà Ang dahilan kung bakit tayo ay nakakahigít bilang nilaláng ay hindi ang udyók nating pangibabáwan ang iba, kundi ang likás nating kakayahán na makiramdam at magmahal, gumálang, magmalasákit sa iba, magíng makatarúngan at maawaín, mahabágin, magtayô ng komunidád, at magkaroón ng malasákit para sa ikabubúti ng lahat. Ang Punto de Vista ng Awà
Matagál nang isinumpâ ng tradisyong
Kristiyano ang batás ng pághihigantí na “matá sa matá, ngípin sa ngípin” (Exodo 21:24). Bilang mga Kristiyano, dapat nating matutúnan ang paraán ni Hesús na nagsasábing, “Magíng maawaín kayo gáya ng inyong Amá” (Lukas 6:36). Daigín ng Mabúti ang Masamâ
Higít kailanman, bilang mga
miyembro ng Simbahan, dapat nating maunawáan na ang ating lakás ay nakasalálay sa pananatíling buô ng ating mga komunidád sa pananampalatáya. Daigín ng Mabúti ang Masamâ Dapat nating hubúgin ang mga mananámpalatayá sa paggámit ng kanilang konsyensya sa mga masalimuót at maraming problema sa búhay—sa pagpilì ng mga lider, sa pagtupád sa kanilang bokasyón bilang mga mámamáyan, sa pagtatayô ng pamilya, sa kanilang gawáin at piniling propesyón, sa mga pagsisíkap na pangalagáan ang kalikásan, atbp. Daigín ng Mabúti ang Masamâ
Nararápat pagsikápan ng ating
pananámpalatáya na mabuklód sa pagkakaisá ang magkakaibáng aspektong ito ng ating búhay– at hayáang maantíg ng konsyensya ang bawa’t aspekto ng ating búhay. Pagtatapos: Tunggaliang Espiritwal Bilang pagtatapós, inuulit namin ang nasábi na namin sa nakaraáng paháyag na “ang pakikidigmâ natin ay labang espirituwál” (Efeso 6:10-17). Sa pakikidigmâ nating espirituwál, pinapayúhan tayo ni San Pedro na “humandâ at magbantáy” lalo na kung ang kaáway ay “umaatáke na parang leóng umaatúngal at aalí- aligíd na humahánap ng ng masisilà” (1 Pedro 5:8). Conclusion: A Spiritual Battle • Bilang mga miyembro ng káwan ng Diyos, dapat tayong matútong magíng matápang, manatíling nagkakaisá, at mangalagà sa isa’t isá. Nawâ ang panahóng ito ay magíng panahón ng pananalángin, panahón para magíng matatág, matalíno at may paninindígan. Nawa’y maging panahón rin ito para mag-áral tayo—pag-arálan ang mga batáyan ng ating pananámpalatáya, mga panuntúnan at pinaháhalagahán ng ating pananámpalatáya, at anong ibig sabihin ng pagiging Katólikong Kristiyano sa panahóng ito. • Para sa Kapulungan ng mga Obispong Katóliko sa Pilipinas (CBCP): • + ROMULO G. VALLES, D.D. Arsobispo ng Davao Pangulo, Kapulungan ng mga Obispong Katóliko sa Pilipinas (CBCP) Ika-28 ng Enero 2019